Seminar ng ASEAN-China sa Kooperasyong Pang-agrikultura, idinaos: pagtutulungan ng Pilipinas at Tsina, inilahad

2023-01-16 11:07:57  CMG
Share with:

Idinaos ng ASEAN-China Centre (ACC) at Departamento ng Internasyonal  na Kooperasyon ng Ministry of Agriculture and Rural Affairs (MARA) ng Tsina, Enero 13, 2023 sa Beijing ang“Seminar ng ASEAN-China sa Kooperasyong Pang-agrikultura.”


Pag-angkop sa nagbabagong situwasyon

Pinagbubuklod ng karagatan, ilog, at kabundukan, ang Pilipinas, Tsina, at mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ay may malawak na pagkakataon ng kooperasyon at malakas na pagkokomplimentaryo sa larangan ng agrikultural na pag-unlad.

Ang agrikultura ay isa sa mga sinauna at sandigang industriya ng karamihan sa mga bansa sa Asya, kaya ang kasaysayan ng pagpapalitan sa pagitan ng ASEAN at Tsina sa larangang ito ay tunay na mahaba’t mabunga.

Samantala, ang seguridad sa pagkain, na produkto ng isang maunlad na sistemang agrikultural ay saligang karapatang-pantao at esensyal sa pambansang seguridad, pandaigdigang kapayapaan, at kasaganaan.

Pero, dahil sa epekto ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), krisis sa pagkain, pagbabago ng klima, etc., na-antala ang rehiyonal at pandaigdigang agrikultural na produksyon, tumaas ang presyo ng mga bilihin, naapektuhan ang kadena ng suplay ng pagkain, sumulpot ang pangamba sa seguridad sa pagkain, at napailalim sa tensyon ang pagsulong ng kabuhayan.

Sa ilalim ng nasabing mga kondisyon, itinalaga ng ASEAN-China Summit noong Nobyembre 2022 ang kasalukuyang taon (2023) bilang“Taon ng Agrikultural na Pag-unlad at Kooperasyon sa Seguridad sa Pagkain.”

Bilang isa sa mga konsensong narating sa naturang summit, idinaos ng ASEAN-China Centre (ACC) at Departamento ng Internasyonal  na Kooperasyon ng Ministry of Agriculture and Rural Affairs (MARA) ng Tsina, Enero 13, 2023 sa Beijing ang“Seminar ng ASEAN-China sa Kooperasyong Pang-agrikultura.”

Sa kanyang pambungad na talumpati, sinabi ni Shi Zhongjun, Pangkalahatang Kalihim ng ACC, na ang ASEAN ang pinakamalaking trade partner ng Tsina sa produktong agrikultural, at naniniwala siyang mas mapapalakas pa ang koordinasyon at pagtutulungan ng dalawang panig.


 Shi Zhongjun, Pangakalahatang Kalihim ng ACC habang nagtatalumpati


Aniya, ilan sa mga lugar kung saan puwedeng pag-ibayuhin ang kooperasyon ay: pagtatayo ng mas matatag na sistema ng produksyon at suplay, pagpapalakas ng kaligtasan ng sirkulasyon at pag-iimbak ng mga produkto, at pagsusulong ng kaunlaran sa mga nayon.

Sa pamamagitan ng pagpapalitan ng ideya at karanasan sa seminar, umaasa si Shi, na magkakaroon ng mas mabuting kooperasyon sa agrikultural na pag-unlad at mas malakas ng seguridad sa pagkain ang ASEAN at Tsina.


Ang bilog na mesa para Seminar ng ACC-China sa Kooperasyong Pang-agrikultura


Benepisyo ng agrikultural na kooperasyon ng Pilipinas at Tsina

Sa kanyang online na presentasyon, sinabi ni Mercedita Sombilla, Undersecretary for Policy Planning and Regulations ng Kagawaran ng Agrikultura (DA) ng Pilipinas, mahalaga ang papel na ginagampanan ng agrikultura sa kabuhayan at lipunang Pilipino.

Ang kontribusyon nito aniya sa paglaki ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa ay 10%, at 3% naman ng kabuuang lakas-manggagawa ng bansa ay nasa agrikultura.

Pero dahil aniya sa epekto ng COVID-19, pagbabago ng klima at iba pang isyu, nasa proseso pa rin ng pagpapanumbalik ang sektor na ito.

Ngunit, noong nakaraang taon, mayroon na aniyang nakitang pagbabago.


 Mercedita Sombilla, Undersecretary for Policy Planning & Regulations ng Department of Agriculture habang inilalahad ang kanyang online na presentasyon


Ayon sa naitalang paglaki noong ikatlong kuwarter ng 2022, naabot ng Pilipinas ang 1.8% paglaki dahil sa muling paglakas ng pangangailangan at produksyon sa livestock at poultry.

Aniya pa, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na kritikal at pundamental ang papel ng agrikultura sa pag-abot ng Pilipinas sa ekonomikong transpormasyon, kaya siya mismo ang nangunguna upang gawing dinamiko at bigyan ng mataas na pag-unlad ang agrikultura, tungo sa pagkakamit ng mas malawak na seguridad sa pagkain at mas inklusibong prosperidad.

Ang layuning ito ay inaasahan aniyang makakamit kasama ng implementasyon ng National Agriculture and Fisheries Modernization and Industrialization Plan (NAFMIP) 2021-2030.

Pormal na inilunsad noong 2022, idinedetalye ng NAFMIP ang mga estratehiya at reporma upang siguruhing magkakaroon ng sustenableng paglaki, at mas lalawak ang akses at oportunidad ng pag-unlad ng sektor ng agri-fishery.

Ito aniya ay magpapabuti sa opsyon ng mga konsyumer sa pagpili ng mas masustansiya at abot-kayang mga pagkain at bilihin.

Samantala, “dahil sa nagbabadyang pandaigdigang krisis sa pagkain, patuloy na nagsusumikap ang pamahalaang Pilipino upang ma-istabilisa ang suplay sa pamamagitan ng pagpapabuti ng produksyon at pagpapalakas ng ugnayan sa mga trading partner,” paliwanag ni Sombilla.

Ang pakikipag-usap sa mga partner sa negosyo’t pag-unlad upang magkaroon ng kooperasyon ay isa aniyang mainam na hakbang para makamit ng Pilipinas ang layunin sa usapin ng seguridad sa pagkain.

“Ito ang dahilan kaya matatag na sinusuportahan ng Pilipinas ang pagdaraos ng Seminar ng ASEAN-China sa Agrikultura,” dagdag pa niya.

Saad pa ni Sombilla, ang mga Pilipino at Tsino ay may napakahabang kasaysayan ng ugnayan – isang ugnayang tagos sa hanggahan ng politika, pamana, at kultura.

Ang espesyal na ugnayang ito ay umiiral hanggang sa kasalukuyan, at lalo pa aniyang pinagtitibay ng lumalawak na partnership pang-ekonomiya at ginagabayan ng komong hangarin sa pagkakaroon ng pinababahaginang kaunlaran at kapayapaan.

Kaugnay nito, ang Tsina ang pinakamalaking katuwang pang-negosyo ng Pilipinas sa Asya.

Aniya, patuloy na lumalaki ang bolyum ng iniluluwas na produktong agrikultural ng Pilipinas sa Tsina mula 2016 hanggang 2021, at ito’y nasa pinakamataas noong 2019.

Sa kabilang dako, bagamat bahagyang mas mababa, ang bolyum ng mga inaangkat na produkto ng Pilipinas mula sa Tsina ay tumaataas din.

Sa harap ng pandemiya ng COVID-19, sinabi ni Sombilla na nakarekober noong 2021 ang pagluluwas ng produktong agrikultural ng Pilipinas sa Tsina, at ito’y nagkaroon ng 1.31% pagtaas.

Samantala, kabilang sa mga pinakapopular na produktong agrikultural na inaangkat ng Tsina mula sa Pilipinas ay saging; sariwang pinya; refined, bleached and deodorized oil; banana chip, at sariwang isda.

Sa larangan naman ng kooperasyong pang-agrikultura, may dalawa aniyang kasunduan ang Pilipinas at Tsina, na kasalukuyang ipinapatupad.

Una ay ang Joint Action Plan on Agriculture and Fisheries Cooperation sa pagitan ng DA at MARA ng Tsina mula 2023 hanggang 2025, at ang ikalawa ay Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng DA at General Administration Customs of China (GACC).

Dagdag niya, mayroong dalawa pang kasunduang sumasailalim sa pagpo-proseso at posibleng maimplementa sa hinaharap – una ay ang MOU sa pagitan ng Philippine Machinery Research Authority at Chinese Academy of Agriculture Mechanization Sciences; at ikalawa ay ang Cooperative Agreement on Handling and Resolution of Issues Concerning Non-compliance of Products with Import Requirements, na nasa ilalim ng MOU sa pagitan ng DA at GACC.

Ang mga kasunduang nabanggit ay nagpapalalim at magpapalalim ng kooperasyon ng Pilipinas at Tsina sa agrikultural na pag-unlad, at gumaganap ng mahalagang papel sa pagpapatatag ng seguridad sa pagkain, hindi lamang sa pagitan ng dalawang bansa, kundi sa buong rehiyong Pasipiko.

Sa kabilang dako, sinabi ni Sombilla, na ang Philippine-Sino Center for Agricultural Technology  (PhilSCAT) Technical Cooperation Program ay isa sa mga pinakamahalagang bunga ng relasyong pang-agrikultura ng Pilipinas at Tsina.

Ito aniya ang nagbigay-daan sa pagkakatayo ng PhilSCAT sa Nueva Ecija.

Itinayo ng mga pamahalaang Pilipino at Tsino noong 2000, layon ng PhilSCAT na palakasin ang kooperasyong teknikal sa agrikultura at iba pang kaugnay na larangan.

Sa pamamagitan ng pagsisikap ng mga eksperto ng dalawang bansa, naitatag ang mga subok-taniman ng iba’t-ibang uri ng palay na may mataas na kalidad, ipinakilala ang mga bagong makinaryang pang-agrikultura at ginawa ang mga pagsasanay sa mga ito, at isinulong ang paggamit ng mga agrikultural na teknolohiya.

Dagdag ni Sombilla, isina-operasyon noong nakaraang taon ng PhilSCAT ang 3 breeding laboratory, at cold water pond para sa pagsusuri at pagpaparami ng mga Thermosensitive Genic Male Sterile (TGMS) na uri ng hybrid na palay.

Sa katulad na paraan, nakibahagi rin aniya ang nasabing sentro sa iba’t-ibang lokal at internasyonal na porum, komperensya, pagsasanay, trade fair, eksibisyon, naglathala ng mga pag-aaral, naglabas ng mga bagong uri ng hybrid na palay, at marami pang iba.

Maliban diyan, ang Pilipinas ay nakibahagi rin sa mga pagsasanay pang-agrikultura at pang-kooperasyon na isinulong ng Tsina, ani Sombilla.

Sa ngalan ng sambayanang Pilipino, taos-puso niyang pinasalamatan ang pamahalaan at mga mamamayang Tsino sa pagsusulong ng nasabing mga aktibidad.

Umaasa aniya siyang idaraos pa ng Tsina ang mga katulad na kolaborasyon upang matulungan ang Pilipinas sa pagmomodernisa ng agrikultura, at magdulot ng mas malawak na kapayapaan, istabilidad, sustenableng pag-unlad at prosperidad sa rehiyong Pasipiko.   

Ang Seminar ng ASEAN-China sa Kooperasyong Pang-agrikultura ay ang kauna-unahang pisikal na pagpupulong na idinaos ngayong taon ng ACC sa tulong ng Departamento ng Internasyonal  na Kooperasyon ng MARA.

Malalimang pinagdiskusyunan ng iba’t-ibang eksperto at mga diplomata ng mga bansang ASEAN sa Tsina ang tungkol sa pag-unlad ng agrikultura,  seguridad sa pagkain, eksplorasyon ng kooperasyon sa 2023, at kontribusyon sa pagpapasulong ng komprehensibong estratehikong pagtutulungan ng dalawang panig.

Kabilang sa mga dumalo ay sina U Tin Maung Swe, Embahador ng Myanmar sa Tsina; Satvinder Singh, Pangalawang Pangkalahatang Kalihim ng ASEAN; Li Jinxiang, Chief Veterinary Officer – MARA; Chen Yangfen, Propesor ng Institute of Agricultural Economics and Development ng Chinese Academy of Agricultural Sciences;  Benjawan Siribhodi, Eksperto ng International Agricultural Economics Policy ng Office of Agricultural Economics – Ministry of Agriculture and Cooperatives ng Thailand; Fan Shenggen, Chair Professor ng China Agricultural University at Presidente ng Academy of Global Food Economics and Policy; Thatsaka Saphangthong, Direktor-heneral ng Department of Planning and Cooperation ng Ministry of Agriculture and Forestry ng Laos; mga diplomata mula sa  bansang ASEAN; at media.

Bago nagsimula ang seminar, binisita muna ng mga kalahok ang National Agriculture Exhibition Centre sa Beijing kung saan  inilahad at ipinakita sa kanila ang mga natamo ng Tsina sa larangan ng agrikultural na pag-unlad nitong nakaraang dekada.

 

 Ilan sa mga kalahok na diplomata, eksperto't opisyal sa Seminar ng ACC-China sa Kooperasyong Pang-agrikultura habang binibisita ang eksibisyon sa National Agriculture Exhibition Centre sa Beijing


 Ilan sa mga kalahok na diplomata, eksperto't opisyal sa Seminar ng ACC-China sa Kooperasyong Pang-agrikultura habang binibisita ang eksibisyon sa National Agriculture Exhibition Centre sa Beijing


Ulat/Larawan: Rhio Zablan

Pulido/Patnugot sa website: Jade