Ang Dalawang Sesyon ng Tsina, na tumutukoy sa taunang pagtitipon ng National People's Congress (NPC), punong lehislatura ng bansa, at Chinese People's Political Consultative Conference (CPPCC), punong organong tagapayo, ay nag-aalok ng pagkakataon sa Pilipinong estudyante na obserbahan ang takbo ng pag-unlad ng bansa.
Si Nilo Jayoma Castulo, Pilipinong mag-aaral na doctoral na kumukuha ng kursong comparative education sa Beijing Normal University ay nagbahagi ng pananaw sa Dalawang Sesyon para sa taong 2023, gamit ang komperensya ng Zoom.
Panayam kay Nilo sa komperensya ng Zoom
Sa inilabas na Ulat sa Trabaho ng Pamahalaan o Government Work Report na inihatid ni Premier Li Keqiang sa pagbubukas ng unang session ng ika-14 na NPC sa Beijing, noong Linggo, Marso 5, na ang Tsina ay nagtakda ng target na paglago ng GDP na humigit-kumulang 5% para sa 2023, na tinutukan ng husto ang mga patakarang macroeconomic upang isulong ang isang matatag na paglago ng ekonomiya.
Batay sa isinumiteng ulat, ang Tsina ay nagtaas din ng inaasahang deficit-to-GDP ratio nito sa 3 porsiyento para sa 2023 at nag-target ng inflation rate na humigit-kumulang 3 porsiyento para sa taong ito.
Naniniwala si Nilo na ang isinumiteng ulat ay magbibigay ng kumpiyansa sa mamamayang Tsino at pananaw sa international community, na ang ekonomiya ng Tsina ay makakatulong na pababain ang mataas na inflation rate.
Matatandaang, Pebrero 21, 2023, nanawagan si Pangulong Xi Jinping sa bansa na palakasin ang saligang pananaliksik o basic research nito upang pagsamahin ang pag-asa sa sarili at lakas sa agham at teknolohiya.
Binigyang-diin din ni Xi ang higit pang pangangailagan ng pandaigdig na kooperasyon, pagbubukas at pagbabahagi sa saligang pananaliksik. Layon nito aniyang magkakasamang hawakan ang mga komong hamong pangkaunlaran ng sangkatauhan.
Ayon kay Nilo, batay sa naturang kapasiyahan at panawagan ng panig Tsino, malaki ang magiging epekto nito sa pagbabago ng polisiya sa pagpapalitan at pagtutulungang Pilipino-Sino. Dahil sa larangan pa lang ng edukasyon, mapapalakas na ang kooperasyon sa pananaliksik at pagpapaunlad (R&D) ng Pilipinas at Tsina.
Magiging dahilan ito upang imbitahin ang mga Pilipinong nais maging iskolar na tulad niya. Nagbibigay ang pamahalaang Tsino ng scholarship sa iba’t ibang network na tulad ng ASEAN-China, sa pamamagitan ng mga unibersidad at embahada.
Ang Global Security Initiative (GSI) at Global Development Initiative (GDI) na iniharap ng Tsina ay buong tinataguyod ang pakikipagkaibigan at pakikipagtulungan sa ibang mga bansa, at nakahanda rin na makipagtulungan sa internasyonal na komunidad.
Ani Nilo, ang mga ganitong uri ng inisyatiba ay napakahusay upang mapanatili ang pandaigdigang kapayapaan, seguridad, at pagkamit ng mga layunin ng UN para sa pantay na mundo.
Ang GSI at GDI ay magdudulot ng malaking benepisyo para sa diplomasya, magandang ugnayang Pilipino-Sino, at sa mga bansang hindi nagkakasundo, dagdag pa ni Nilo.
Aniya pa, ang pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Pilipinas sa Tsina, noong nakaraang Enero ay nagpakita ng kaaya-ayang epekto sa kalakalan at magandang ugnayan ng dalawang bansa.
Naniwala rin si Nilo na tataas pa ang kumpiyansa ng mga negosyanteng Tsino na mamuhunan sa Pilipinas, at sa pagdami ng pagbubukas ng mga negosyo, nagbibigay ito ng mga trabaho at oportunidad sa mga Pilipino at Tsino.
Aniya, sa pamamagitan ng mga binibigay na scholarship ng gobyernong Tsino, ang mga Pilipino ay nagkakaron din ng pagkakataon na magtayo ng sariling start-up business at natututo ng iba pang paraan ng kultura ng pagnenegosyo.
Nilo Jayoma Castulo, mag-aaral ng Ph.D, Beijing Normal University
Si Nilo Jayoma Castulo ay kasalukuyang kumukuha ng Ph.D. in Comparative Education sa Beijing Normal University at nagtapos ng Master’s degree sa parehong kurso sa Northeast Normal University, Changchun. Lisensyadong guro rin mula sa Pilipinas at nagsasaliksik tungkol sa mga Filipino Migrant Teachers sa Tsina, education in emergencies, at K-12 Philippine education. Ginawaran ng magkasunod na mapagbigay na pondo ng China Scholarship Council at ASEAN-China University Network.
Ulat: Ramil Santos
Patnugot: Jade
Pasasalamat: Nilo Jayoma Castulo