Solemnang representasyon, isinumite ng Tsina kaugnay ng maling salita ni Pangulong Yoon Seok-youl ng Timog Korea sa isyu ng Taiwan

2023-04-23 15:46:17  CMG
Share with:

Kaugnay ng maling binitawang salita kamakailan ni Pangulong Yoon Seok-youl ng Timog Korea sa isyu ng Taiwan, isinumite Abril 20, 2023 ni Sun Weidong, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina ang solemnang representasyon sa embahador ng Timog Korea sa Tsina.

 

Matatandaang sinabi kamakailan ng pangulo ng Timog Korea, na ang maigting na kalagayan ng Taiwan Strait ay sanhi ng tangka ng Tsina na unilateral na baguhin ang status quo sa pamamagitan ng dahas, at ang isyu ng Taiwan ay hindi purong usapin sa pagitan ng Tsina at Taiwan, dahil ito ay isyung pandaigdig na higit pa sa rehiyonal na antas, tulad ng isyu ng Hilagang Korea.

 

Tungkol dito, sinabi ni Sun na hindi katanggap-tanggap ang nabanggit na pahayag.

 

Ito ay nakababahala at lubhang hindi natutuwa ang panig Tsino sa naturang pananalita.

 

Tinukoy ni Sun na iisa lang ang Tsina sa daigdig, at ang Taiwan ay di-maihihiwalay na bahagi ng teritoryo ng Tsina.

 

Aniya, ang pagresolba sa isyu ng Taiwan ay suliranin ng mga mamamayang Tsino, at hinding-hindi pahihintulutan ang anumang puwersang panlabas na makialam dito.

 

Dagdag niya, ang pagsusulong ng ideya ng pagsasarili ng mga separatistang panig, sa pamamagitan ng suporta at pakikipagsabwatan sa mga puwersang panlabas ang pundamental na dahilan sa maigting na kalagayan ng Taiwan Strait.

 

Ani Sun, mahahalatang hindi binanggit ng lider ng Timog Korea ang prinsipyong isang-Tsina, sa halip, inihambing niya ang isyu ng Taiwan sa isyu ng Korean Peninsula.

 

Ang Hilagang Korea at Timog Korea ay kapuwa soberanong bansa na kasapi sa United Nations (UN), at iba ang esensya ng isyu ng Korean Peninsula at isyu ng Taiwan, dagdag ni Sun.

 

Hinimok niya ang panig Timog Koreano na totohanang sundin ang diwa ng komunike ng pagtatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Timog Korea, sundin ang prinsipyong isang-Tsina, at mag-ingat sa pananalita at aksyon sa isyu ng Taiwan.

 

Inihayag naman ng embahador ng Timog Korea na palagiang iginagalang ng kanyang bansa ang prinsipyong isang-Tsina, at hindi nagbabago ang paninindigang ito.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio