Sa kanyang talumpati hinggil sa paksang “bagong inisyatibang panseguridad ng Tsina,” sa Ika-20 Shangri-La Dialogue na ginanap sa Singapore, Hunyo 4, 2023, tinukoy ni Li Shangfu, Kasangguni ng Estado at Ministro ng Tanggulang Bansa ng Tsina, na napapaloob sa Global Security Initiative (GSI) na iniharap ni Pangulong Xi Jinping ang komon, komprehensibo, kooperatibo at sustenableng ideolohiyang panseguridad.
Ipinakikita aniya nito ang katalinuhan ng Tsina sa pagharap sa mga pandaigdigang hamong panseguridad.
Kasama ng iba’t-ibang panig, nakahanda aniya ang panig Tsino na palakasin ang kamalayan sa komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Asya-Pasipiko; pasulungin ang malusog na pag-unlad ng rehiyonal na kooperasyong panseguridad; at buong sikap na buuin ang bukas, inklusibo, maliwanag, at patas na estruktura ng rehiyonal na kooperasyong panseguridad.
Diin ni Li, ang Taiwan ay bahagi ng Tsina, at ang paraan ng pagresolba sa usapin ng Taiwan ay suliranin ng mga mamamayang Tsino, at hindi dapat makialam dito ang anumang puwersang panlabas.
Ang sinumang maglalakas-loob na ihiwalay ang Taiwan sa Tsina ay lalabanan ng hukbong Tsino, diin niya.
Ang People’s Liberation Army (PLA) ay hindi aniya natatakot sa anumang kalaban, at buong tatag nitong ipagtatanggol ang soberanya at kabuuan ng teritoryo ng bansa, anuman ang magiging kabayaran.
Bukod diyan, inilahad din ni Li ang paninindigan ng Tsina sa isyu ng South China Sea, relasyong Sino-Amerikano at iba pa.
Salin: Vera
Pulido: Rhio