Kooperasyon sa submarinong nuklear ng AUKUS, malubhang panganib sa pandaigdigang seguridad – ulat ng think tank

2023-08-03 16:41:23  CMG
Share with:


Vienna, Austria - Ayon sa magkasanib na ulat na inilabas Miyerkules, Agosto 2, 2023 ng mga think tank ng Tsina at Rusya sa isang seminar, ang Kasunduan ng Australya, Britanya, at Amerika (AUKUS Pact) sa submarinong nuklear ay nagsisilbing malubhang panganib sa seguridad na panrehiyon at pandaigdig.

 

Ang nasabing ulat na pinamagatang "AUKUS submarine deal: risks for the nuclear non-proliferation regime and global security” ay inilabas ng China Arms Control and Disarmament Association at Center for Energy and Security Studies ng Rusya.

 

Tinukoy ng ulat na ang estratehikong kooperasyong militar ng AUKUS ay salungat sa hangarin at diwa ng Treaty on the Non-Proliferation of Nuclear Weapons (NPT), at posibleng magbunsod ng malubhang pinsala sa pandaigdigang mekanismo ng non-proliferation at NPT.

 

Ginagamit ng kooperasyon sa submarino ng AUKUS ang mahalagang butas ng non-proliferation regime, at binabawasan ang hadlang na pulitikal at moral ng nuclear proliferation, dagdag ng ulat.

 

Nagdudulot din ito ng hamon sa sistema ng paggarantiya ng International Atomic Energy Agency (IAEA), anito.

 

Anang ulat, dapat igarantiya ng mga kasaping bansa ng IAEA at Board of Governors ng IAEA ang mapagkakatiwalaan at mabisang pagsasaayos para sa AUKUS Pact, para suportahan ang NPT at non-proliferation regime.

 

Nanawagan din ito sa lahat ng mga bansa na pangalagaan ang pandaigdigang mekanismo ng non-proliferation, lalong lalo na, harapin ang mga panganib na dulot ng AUKUS Pact, sa pamamagitan ng bukas at inklusibong diyalogo at kooperasyon.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil