Anumang pagbisita ng mga separatista ng “pagsasarili ng Taiwan” sa Amerika, tinututulan ng Tsina

2023-08-04 16:10:11  CMG
Share with:

Ayon sa ulat, inanunsyo Miyerkules, Agosto 2, 2023 ng awtoridad ng Democratic Progressive Party ng Taiwan na magsasadya Agosto 12 si Lai Ching-te, pangalawang lider ng Taiwan, sa Paraguay para dumalo sa inagurasyon ng pangulo nito, at daraan siya sa New York at San Francisco ng Amerika sa kalagitnaan ng kanyang biyahe.

 

Kaugnay nito, inihayag Huwebes ng tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang matatag na pagtutol ng panig Tsino sa anumang porma ng interaksyong opisyal sa pagitan ng Amerika at Taiwan, pagbisita ng mga separatistang naninindigan sa “pagsasarili ng Taiwan” sa Amerika sa anumang ngalan at katuwiran, at pakikipagsabwatan at pagsuporta ng panig Amerikano sa mga separatista ng “pagsasarili ng Taiwan” at kanilang mapangwatak na aksyon sa pamamagitan ng anumang porma.

 

Anang tagapagsalitang Tsino, ang isyu ng Taiwan ay pinakapusod ng nukleong interes ng Tsina, at unang pulang linyang hindi dapat tawirin sa relasyong Sino-Amerikano.

 

Hinimok ng panig Tsino ang panig Amerikano na sundin ang simulaing isang Tsina at mga alituntunin ng tatlong magkasanib na komunike ng dalawang bansa, totohanang ipatupad ang pangako ng lider na Amerikano sa hindi pagkatig sa “pagsasarili ng Taiwan” at iba pa, itigil ang interaksyong opisyal sa Taiwan, ihinto ang pag-a-upgrade ng substansiyal na relasyon ng Amerika sa Taiwan, putulin ang pagpapadala ng maling senyal sa mga separatista ng “pagsasarili ng Taiwan,” at huwag pahintulutan ang “transit” ni Lai sa Amerika.

 

Mahigpit na susubaybayan ng panig Tsino ang pagsulong ng kalagayan, at isasagawa ang buong tatag at mabisang hakbangin para ipagtanggol ang soberanya at kabuuan ng teritoryo, dagdag ng tagapagsalita.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil