Anumang tangka na guluhin ang Hong Kong, siguradong mabibigo – Tsina

2023-09-21 12:19:56  CMG
Share with:

Kaugnay ng six-monthly report na inilabas kamakailan ng pamahalaan ng Britanya kung saan binanggit ang hinggil sa mga suliranin ng Hong Kong, inihayag Miyerkules, Setyembre 20, 2023 ni Tagapagsalita Mao Ning ng Ministring Panlabas ng Tsina ang mariing kawalang-kasiyahan at buong tatag na pagtutol ng panig Tsino.

 

Saad niya, anumang tangka na guluhin ang Hong Kong ay siguradong mabibigo.

 

Tinukoy niyang pinipilipit ng nasabing ulat ang katotohanan, magaslaw itong nakikisawsaw sa mga suliranin ng Hong Kong at mga usaping panloob ng Tsina, at malubhang lumalabag sa simulain ng pandaigdigang batas at pundamental na norma ng relasyong pandaigdig.

 

Walang duda ang mga natamong bunga ng pag-unlad ng Hong Kong, diin niya.

 

Sinabi ni Mao, na makaraang bumalik sa inang bayan, masiglang masigla ang pag-unlad ng kabuhayan ng Hong Kong; matatag ang katayuan nito bilang sentro ng pandaigdigang pananalapi, abiyasyon, at kalakalan; matatag at malusog na tumatakbo ang kaayusang konstitusyonal sa rehiyon; pinangangalagaan ang pambansang seguridad; at ipinapatupad ng mga makabayan ang pangangasiwa sa Hong Kong, kaya maliwanag ang prospek ng demokrasya sa lugar.

 

Binabalaan aniya ng panig Tsino sa panig Britaniko, na huwag pagmalabisan ang Magkasanib na Deklarasyon ng Tsina at Britanya.

 

Hindi mababago ng anumang pakikialam na panlabas ang determinasyon ng pamahalaang Tsino sa komprehensibo’t wastong pagpapatupad ng prinsipyong Isang Bansa, Dalawang Sistema, mariing saad pa ni Mao.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio