Lunsod Fuzhou, probinsyang Fujian ng Tsina — Kinatagpo Pebrero 2, 2024 ni Asistanteng Ministrong Panlabas Nong Rong ng Tsina si Manuel Mamba, Gobernador ng probinsyang Cagayan ng Pilipinas na kalahok sa seremonya ng pagbubukas ng 2024 ASEAN-China Year of People-to-People Exchanges.
Ipinahayag ni Nong na ang pag-unlad ng Tsina ay nagkakaloob ng napakalaking pagkakataon para sa mga karatig na bansa.
Ang pagkakaibigan at mapayapang pakikipamuhayan, kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, at paghahanap ng komong kaunlaran ay angkop sa pundamental na kapakanang Sino-Pilipino, ani Nong.
Nagpupunyagi aniya ang panig Tsino sa pagsasakatuparan ng mahalagang napagkasunduan ng mga lider ng dalawang bansa, at iginigiit ang maayos na paghawak sa alitan sa pamamagitan ng diyalogo at pagkokoordinahan upang mapasulong ang pagbalik ng bilateral na relasyon sa tamang direksyon.
Ipinahayag naman ni Mamba na ang Pilipinas at Tsina ay kapitbansa ng magpakailanman, at dapat aniyang pabutihin ang relasyon ng kapuwa bansa.
Aniya, dapat lutasin ang mga alitan sa pamamagitan ng diyalogo upang magkasamang mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Bilang pinakamalapit na probinsyang Pilipino sa Tsina, gagampanan ng Cagayan ang papel bilang tulay para mapasulong ang pagkakaibigan at kooperasyong Pilipino-Sino.
Salin: Lito
Pulido: Ramil