Ipininid, Pebrero 18, 2024 ang 3-araw na Ika-60 Munich Security Conference (MSC).
Sa kalagayan ng tuloy-tuloy na krisis ng Ukraine at paglala ng sagupaan sa pagitan ng Palestina at Israel, naramdaman sa kasalukuyang komperensya ang pagkabahala at pag-aalala.
Sa kanyang keynote speech sa MSC, ipinagdiinan ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina na buong tatag na magsisilbing puwersa ng katatagan ang Tsina sa ligalig na daigdig, bagay na tinanggap ng maraming panig.
Bilang porum sa polisyang panseguridad sa mataas na antas sa buong mundo, ipinakikita ng MSC ang pananaw ng mga bansang kanluranin, lalong lalo na, ang Europa sa pandaigdigang kalagayang panseguridad at tunguhing pangkaunlaran.
Ang Munich Security Report 2024 na inilabas sa MSC ay nagtatampok sa “talo-talo na dinamika.”
Ipinalalagay nitong dahil sa pagsidhi ng tensyong heopulitikal at pagdaragdag ng di-katiyakan ng kabuhayan, ayaw ng maraming bansa na pag-ukulan ng pansin ang pangkalahatang benepisyo ng kooperasyong pandaigdig, at ang mas pinahahalagahan nila ay ang labanan para sa mas maraming pakinabang.
Nitong nakalipas na ilang taon, sa harap ng pabagu-bago at ligalig na kalagayang pandaigdig, iniharap ng Tsina ang isang serye ng mga inisyatiba at paninindigan, sa anggulo ng komong kapakanan ng iba’t ibang bansa.
Sa keynote speech sa sesyon ng Tsina sa kasalukuyang MSC, isang malinaw na senyal ang ipinadala ng panig Tsino sa daigdig – handa ang Tsina na maging matatag na puwersa upang pasulungin ang kooperasyon ng malalaking bansa, harapin ang mga mainitang isyu, palakasin ang pangangasiwang pandaigdig, at pag-ibayuhin ang paglago ng buong mundo.
Kaugnay ng tamang pagpili para sa prospek ng pag-unlad ng kabuhayang pandaigdig, tinukoy ng panig Tsino na ang pagtutol sa “decoupling o disrupsyon sa kadena ng suplay at industriya” ay naging komong palagay ng komunidad ng daigdig, at ang kawalang kooperasyon ay pinakamalaking panganib.
Samantala, buong tatag na pinapalawak ng Tsina ang pagbubukas sa labas, at iminumungkahi ang win-win na kooperasyon.
Paanong makakahulagpos sa kahirapang panseguridad? Napakalinaw ng sagot – kinakailangan ang pagbubukas, pagbubuklud-buklod, diyalogo at kooperasyon.
Sa halip ng pagkabahala sa “talo-talo na dinamika,” bakit hindi pakinggan ng mga bansang kanluranin ang pananaw ng Tsina?
Salin: Vera
Pulido: Ramil