Tsina sa Amerika: huwag gawing tau-tauhan ang Pilipinas para istorbohin ang South China Sea – MOFA

2024-03-07 17:17:52  CMG
Share with:

Kaugnay ng pananalita ng Amerika hinggil sa banggan ng mga bapor ng Tsina at Pilipinas, ipinahayag, Marso 6, 2024, ni Tagapagsalita Mao Ning ng Ministring Panlabas ng Tsina, na hindi dapat gawing tau-tauhan ng Amerika ang Pilipinas para istorbohin ang South China Sea.

 


Kailangan din aniyang iwasan ng Pilipinas na magpasa-ilalim sa manipulasyon ng Amerika.

 

Base sa kasaysayan, ang nagpapagamit, ang naiiwanan sa bandang huli, dagdag ni Mao.

 

Sinabi niyang ang Ren’ai jiao ay bahagi ng Nansha Qundao ng Tsina, at ang Tsina ay mayroong hindi mapag-aalinlanganang soberanya sa Nansha Qundao, na kinabibilangan ng Ren’ai jiao, at dagat sa paligid nito.

 

Ang soberanyang ito ay binuo at kinumpirma sa mahabang kasaysayan, dagdag niya.

 

Ang pananaw na ito, aniya pa ay angkop sa mga pandaigdigang batas na kinabibilangan ng “Karte ng UN.”

 

Ipinaliwanag ni Mao, na isinagawa ng China Coast Guard (CCG) ang kinakailangang hakbangin sa pagpapatupad ng batas bilang responde sa probokatibong aksyon ng Pilipinas sa Ren’ai jiao.

 

Diin niya, ang aksyon ng Tsina ay makatuwiran, lehitimo, propesyonal, at mapagtimpi, at walang kapintasan.

 

Tinanong din ni Mao kung sino ba ang gumagawa ng probokasyon sa likod ng insidenteng ito? Sino ba ang lumalabag sa pandaigdigang batas at nagsasapanganib sa kapayapaan at katatagan sa South China Sea?

 

Ang katotohanan aniya ay napakaliwanag.

 

Binabalewala ng Kagawaran ng Estado ng Amerika ang katotohanan, pinipilipit ang tama sa mali, at isinasagawa ang walang basehang pag-atake sa lehitimo at makatarungang aksyon ng Tsina sa pangangalaga sa sarili, diin ni Mao.

 

Dagdag niya, arbitraryong binabantaan ng Amerika ang Tsina sa pamamagitan ng US-Philippines Mutual Defense Treaty.

 

Pinatatapang aniya ng Amerika ang Pilipinas at ini-endorso ang mga gawain ng panghihimasok at probokasyon.

 

Matatag itong tinututulan ng Tsina, ani Mao.

 

Aniya pa, ang umano’y arbitral award sa South China Sea, na itinuturing ng Pilipinas at ibang mga bansa bilang benchmark ay labag sa pandaigdigang batas na kinabibilangan ng UNCLOS at ito’y ilegal at walang bisa.

 

Ipinahayag ni Mao na ang Ren’ai jiao ay bilateral na isyu sa pagitan ng Tsina at Pilipinas, at hindi dapat samantalahin ng Amerika o anumang ikatlong panig ang isyung ito para maghasik ng alitan o gumawa ng interbensyon.

 

Matatag aniya ang determinasyon ng Tsina sa pangangalaga sa  lehitimong karapatan nito, at hindi magtatagumpay ang Pilipinas sa tangkang panghihimasok at probokasyon. 


Salin:Sarah

Pulido:Rhio