Bilang tugon sa bukas na liham ni Kalihim ng Depensa Gilberto Teodoro, muling hinimok, Miyerkules, Abril 3, 2024 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina ang panig Pilipino na igalang ang katotohanan; sundin ang kaukulang pagkakaunawaan ng dalawang bansa, sumunod sa mga alituntunin ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC); tumalima sa mga komong palagay na narating ng Tsina at mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN); at agarang bumalik sa tumpak na landas ng maayos na pagkontrol sa mga alitan, sa pamamagitan ng diyalogo at negosasyon.
Saad ni Wang, paulit-ulit na sinasabi ng mga tagapagsalita ng Pilipinas na inaapi ng Tsina ang isang maliit na bansa, pero hindi nila binabanggit ang ilegal na pagsakop at paglapastangan sa teritoryo ng Tsina sa Nansha Qundao.
Ito aniya ay tunay na patibong na propaganda.
Ang isyu ng Ren’ai Jiao ay hindi isyu sa pagitan ng malaking bansa at maliit na bansa, sa halip, ito ay isyu ng tama at mali, dagdag niya.
Inilahad ni Wang na noong 1999, ilegal na isinadsad sa Ren’ai Jiao ang bapor-pandigma ng Pilipinas, bagay na lumalapastangan sa soberanya ng Tsina.
Agaran aniyang iniharap ng panig Tsino ang representasyon sa panig Pilipino, at maraming beses itong nangako na aalisin ang nasabing bapor.
Dagdag niya, malinaw ring iniharap ng mataas na opisyal ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas na walang intensyon ang bansa na magtayo ng instalasyon sa Ren’ai Jiao, at ayaw nitong maging unang bansa na lumabag sa DOC.
Pero makaraan ang 25 taon, naroroon pa rin ang nasabing bapor-pandigma, at tinatangka ng panig Pilipino na ihatid ang suplay upang kumpunihin at patibayin ang bapor, para gawing permanenteng instalasyon, aniya.
Dagdag ni Wang, ang pagtaliwas sa katarungan, panggugulo at probokasyon ng panig Pilipino ay hindi lamang lumalabag sa pagkakaunawaan ng dalawang bansa hinggil sa pagkontrol sa isyu ng Ren’ai Jiao, kundi salungat din sa DOC.
Salin: Vera
Pulido: Rhio