Ang isla ng Hainan sa katimugang bahagi ng China ay tahanan ng etnikong grupong Li, isang komunidad na kilala sa kanilang mayamang kultura at tradisyon. Marami sa kanilang mga kaugalian at sining ang nagpapakita ng kapansin-pansing pagkakahalintulad sa mga katutubong Pilipino, partikular na sa mga grupong Ifugao at T’boli.
Sa katunayan, ang mga Li ay may mahabang tradisyon sa paggawa ng mga hinabing tela at iba pang handicrafts, gamit ang mga materyales mula sa kanilang kapaligiran. Maihahambing ang kanilang mga likha sa mga banig, basket, at damit na ginagawa ng mga katutubong Pilipino. Sa parehong kultura, ang sining ng paghahabi at paggawa ng mga gamit ay hindi lamang isang paraan ng kabuhayan, kundi isang paraan din ng pagpapakita ng kanilang kasaysayan at tradisyon.
Bukod dito, kilala rin ang mga kababaihang Li sa kanilang mga tradisyunal na tattoo, na isang mahalagang bahagi ng kanilang kultura at identidad. Ang mga tattoo na ito ay nagsisilbing simbolo ng kagandahan, katapangan, at pagkakakilanlan. Ang kahalagahang ito ay maihahambing sa mga tattoo ni Apo Whang-Od, ang kilalang mambabatok mula sa Kalinga, hilagang bahagi ng Pilipinas. Parehong nasa panganib ng pagkawala ang tradisyunal na tattoo ng Li at ng mga Pilipino dahil sa modernisasyon, ngunit pareho ding binubuhay at pinapanatili upang maipasa sa mga susunod na henerasyon.
Mayaman din sa tradisyon ng musika at sayaw ang mga Li. Ang kanilang mga sayaw ay nagsasalaysay ng mga kwento at alamat, na madalas na may pagkakahalintulad sa mga tradisyunal na sayaw ng Pilipinas. Isa sa mga kilalang sayaw ng Li ay ang sayaw na gumagamit ng kawayan, na may pagkakatulad sa Tinikling ng Pilipinas. Sa parehong kultura, ang paggamit ng kawayan sa sayaw ay nagpapakita ng kanilang likas na pagkamalikhain at kasanayan.
Ang buhay ng mga Li ay malapit sa kalikasan. Ang kanilang agrikultura at mga paraan ng pamumuhay ay nakaayon sa mga likas na yaman ng kanilang paligid. Ganito rin ang pamumuhay ng maraming Pilipino, lalo na ang mga naninirahan sa mga probinsya. Isang magandang halimbawa nito ay ang paggawa ng apoy gamit ang kawayan, na tila nakuha noon pang sinaunang panahon.
Sa kabila ng mga pagbabago ng panahon, ang parehong mga kultura ng Li at mga katutubong Pilipino ay patuloy na nagbibigay halaga sa pamilya, komunidad, sining, tradisyon, at kalikasan – mga elementong nagbubuklod sa kanila at nagbibigay ng makulay at mayamang kultura na patuloy na yumayabong.
Ulat/Video: Mark Fetalco
Patnugot: Jade
Extravaganza ng Timogsilangang Asya, idinaos sa Shanghai: kulturang ASEAN, itinanghal
Buwan ng Mayo, pagdiriwang ng masayang pestibal ng pandaigdigang kultura
Manuel Mamba, kinatagpo ni Asistanteng Ministrong Panlabas Nong Rong ng Tsina
Pilipinas, muling iginiit ang suporta sa prinsipyong isang-Tsina: MOFA, nagpahayag ng paghanga