Bilang parte ng ASEAN Media Partners “China Up Close” Hainan Tour, binisita umaga ng Abril 24, 2024, ng mga mamamahag mula sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations, ang Hainan Seed Industry Laboratory sa Sanya, Hainan, Tsina, kung saan ay nagpahayag ng buong suporta ang mga siyentistang Tsino sa pagsusulong ng kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, partikular sa larangan ng agrikultura.
Sa panayam ng China Media Group – Filipino Service kay Prof. Hefei Huang, ibinahagi niya na noon pa man, kasama ng mga lokal na pamahalaan, umiiral na ang magandang kooperasyon ng Tsina sa Pilipinas.
Kabilang aniya dito ang pagpapalitan ng dalawang bansa ng ilang breeding resources, gayundin ang kolaborasyon ng mga siyentista para magbahagi ng kanilang mga kaalaman.
Ayon kay Prof. Huang, nag-i-imbita sila ng ilang siyentista mula sa Pilipinas para makapagtrabaho sa paglikha ng ilang technical programs para mas mapaganda ang kalidad ng kanilang tropical fruits gaya ng durian, lalo na sa Hainan Province.
Kaugnay niyan, ipinahayag ni Prof. Huang na kailangang makipagtulungan sa mga bansa sa Asya na eksperto na sa pagpapalago ng durian.
“We need to cooperate with Asian countries because they grow durian for many many years. They have expertise, that experience and they know more about how to control the pest, to grow better and we need to import some resources,” saad ni Prof. Huang.
Matatandaang noong Abril noong nakaraang taon, sinimulan na ng Pilipinas ang pagluluwas ng durian sa Tsina, na naging posible kasunod ng state visit sa Tsina ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Bukod dito, ipinahayag naman ni Prof. Fuqiang Wang na naging matagumpay ang kooperasyon ng Tsina at Pilipinas tungkol sa hybrid rice.
Umaasa siyang madaragdagan pa ang mga katulad nito sa ilalim ng kanilang mga bagong pag-aaral at proyekto.
Sa kasalukuyan, nakatuon ang kanilang pagsasaliksik sa “Sesbania Cannabina”, isang halaman na makatutulong sa mga magsasaka na mabawasan ang masamang epekto ng soil salinity sa produksyon ng mga produktong pang-agrikultura. Ang halaman ay mayaman sa protina at maaari ring maging pakain ng mga alagang-hayop.
Ulat/Video: Mark Fetalco
Patnugot sa teksto: Jade
Patnugot sa video/website: Mark Fetalco/Kulas