Pahayag ng MOFA hinggil sa eksklusyon ng rehiyon ng Taiwan sa WHA

2024-05-28 16:08:25  CMG
Share with:

Inihayag Lunes, Mayo 27, 2024 ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang eksklusyon ng rehiyon ng Taiwan sa Ika-77 World Health Assembly (WHA) ay muling nagpapakitang ang prinsipyong isang-Tsina ay tunguhin ng opinyong pandaigdig at agos ng panahon, at hindi dapat ito hamunin.

 

Ayon sa pahayag ng nasabing ministri, magkahiwalay na ipinasiya nang araw ring iyon ng Komite Heneral at Sesyong Plenaryo ng Ika-77 WHA na malinaw na tinanggihan ang umano’y mosyon ng “pag-imbita ng Taiwan sa pagsali sa WHA bilang tagamasid” na isinumite ng iilang bansa.

 

Anang pahayag, ang paninindigan ng Tsina sa isyu ng WHA na may kinalaman sa Taiwan ay malawakang nauunawaan at sinusuportahan ng komunidad ng daigdig.

 

Dagdag ng pahayag, lubos na pinahahalagahan ng pamahalaang sentral ng Tsina ang kalusugan at biyaya ng mga kababayang Taiwanes.

 

Sa paunang kondisyon ng pag-angkop sa prinsipyong isang-Tsina, maaaring dumalo ang mga dalubhasang medikal at pangkalusugan ng Taiwan sa kaukulang pulong na teknikal ng World Health Organization (WHO).

 

Sapat at maalwan ang tsanel para sa pagsali ng rehiyon ng Taiwan sa pag-uugnayan at pagtutulungan ng WHO sa larangang teknikal, at hindi nangingibabaw ang umano’y “puwang sa pandaigdigang sistema kontra epidemiya,” dagdag ng pahayag.

 

Hinimok din ng panig Tsino ang iilang bansa na itigil ang pagpilipit at paghamon sa resolusyong bilang 2758 ng United Nations General Assembly, itigil ang pagpapawalang-saysay ng prinsipyong isang-Tsina, itigil ang pagsasapulitika ng isyung pangkalusugan, at itigil ang pakikialam sa mga suliraning panloob ng Tsina sa pamamagitan ng isyu ng Taiwan.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil