Sa pagsulong ng Boao Lecheng International Medical Tourism Pilot Zone sa Hainan, Tsina, patuloy itong nagsisilbing pangunahing destinasyon para sa mga Tsino’t dayuhang pasyente na naghahanap ng dekalidad na serbisyong pangmedikal.
Ang nasabing pilot zone ay itinatag bilang bahagi ng mga hakbang ng Tsina upang mapalakas ang sektor ng medical tourism. Isang mahalagang aspeto ng proyektong ito ay ang paglikha ng mga patakaran at regulasyon na naglalayong mapanatili ang mataas na pamantayan ng kalidad sa mga serbisyo at pagpapagamot.
Kabilang sa mga pasilidad at serbisyong inaalok sa Boao Lecheng ang advanced na medical technology, mga dekalidad na ospital, at mga mahusay na doktor at medical staff.
Bukod sa mga serbisyong pangmedikal, ang Boao Lecheng ay patuloy na nagsusulong ng mga turismo at recreation facilities, na nag-aalok ng kumpletong karanasan hindi lamang para sa pasyente kundi pati na rin para sa kanilang mga kasamang pamilya.
Kagaya ng Tsina, nakatuon din ang Pilipinas sa pagpapalakas ng sektor ng medical tourism. Sa katunayan, isinama ng Department of Tourism ng Pilipinas ang medical at wellness tourism sa mga prayoridad ng bansa sa ilalim ng National Tourism Development Plan 2023-2028.
Isa ang tradisyunal na “hilot” sa mga inaalok sa iba’t ibang tourism-accredited resorts sa Pilipinas, bagay na hindi nalalayo sa Traditional Chinese Medicine o TCM na tampok din sa Boao Lecheng International Medical Tourism Pilot Zone.
Ulat/Video: Mark Fetalco
Patnugot: Jade