Iginiit ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na patuloy na isinusulong ng Pilipinas at Tsina ang pag-unlad at kooperasyon sa usaping pang-ekonomiya.
Sa 11th Manila Forum for Philippines-China Relations na ginanap sa New Era University sa Quezon City nitong Huwebes, March 21, 2024, binigyang-diin ni Huang na nananatiling pinakamalaking trading partner ng Pilipinas ang Tsina sa walong magkakasunod na taon.
Si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian habang nagtatalumpati
Sinipi ni Huang ang estadistika mula sa Pilipinas sa pagsasabing noong 2023, ang kalakalan ng Pilipinas at Tsina ay patuloy na lumago na umabot sa 40 bilyong dolyares. Mas mataas ito ng 2.7% kumpara sa taong 2022.
Ayon pa sa opisyal, ang ekonomiya ng Tsina at Pilipinas ay parehong bahagi ng global value, industrial, at supply chains.
Sa kabila ng magkaibang kalagayan at sistema ng Pilipinas at Tsina, parehong tinatahak ng dalawang bansa ang iisang layunin sa pag-unlad, nagpapataasan sa bawat isa, at may malaking potensyal para sa makabuluhang kooperasyon, dagdag pa ni Huang,
Pinuri rin niya ang mabilis na paglago ng pamumuhunan sa Pilipinas.
“China has been the largest trading partner of the Philippines for 8 consecutive years, and investment in the Philippines has also maintained rapid growth, making it one of the largest sources of investment,”saad ni Ambassador Huang.
Dagdag ni Ambassador Huang, ang 11th Manila Forum ay daan upang makakakuha ng mga kaalaman tungkol sa mga trend sa pag-unlad ng Tsina, ang kalagayan ng pandaigdigang ekonomiya, at ang mga pagkakataon at inspirasyon na kanilang dala sa sosyo-ekonomikong pag-unlad ng Pilipinas.
Isinagawa ang 11th Manila Forum kasunod ng taunang“Two Sessions”ng National People’s Congress (NPC) , punong lehislatura ng Tsina at Chinese People’s Political Consultative Conference (CPPCC), punong organong tagapayo ng bansa, na nagtapos noong nakaraang linggo.
Sumentro ang taunang“Two Sessions”sa mga ulat tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng ekonomiya ng Tsina, at may tatlong bagay na maglalarawan dito – ang 5 percent growth target para sa 2024, “new quality productive forces,” at ang mataas na antas ng pagiging bukas sa labas.
Ginanap ang 11th Manila Forum sa pakikipagtulungan ng Association for Philippines-China Understanding (APCU) at ng Embahada ng Tsina sa Pilipinas.
Ayon kay APCU Chairman Raul Lambino, ang tema ng forum na“Post-Two Sessions: China's Economic Progress and its Trade and Economic Relations with the Philippines,” ay nakapagbigay ng komprehensibong plataporma para mapag-aralan nang mabuti ang economic landscape ng Tsina at ang mga implikasyon nito sa ugnayan sa Pilipinas.
“Through this forum, we have gained valuable insights into the outcomes of these sessions and their impact on China's economic trajectory,” ayon kay Lambino.
Si APCU Chairman Lambino (ika-2 sa kaliwa) sa QNA segment ng forum (photo courtesy: New Era University )
Ngayong nakararanas ng kakulangan sa pagkain ang Pilipinas, iginiit ni Lambino ang kahalagahan ng pag-import mula sa mga kalapit-bansa nito, kabilang na ang Tsina.
Aniya, isa sa maaaring gawin ng Pilipinas ay ang pagtutok sa“agricultural productivity”gaya ng ginagawa ng Tsina ngayon.
Pero dahil sa kakulangan ng resources, iminungkahi ni Lambino sa gobyerno ng Pilipinas na tutukan ang maritime area ng bansa.
Ibinahagi naman ni Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) President Enunina Mangio ang malapit na ugnayan sa pagitan ng PCCI at mga kapartner sa Tsina sa pamamagitan ng pagtatatag ng aktibong mga linya ng komunikasyon at pinalakas na pakikipagtulungan sa iba’t ibang larangan.
Si PCCI President Enunina Mangio habang nagtatalumpati
Kabilang aniya dito ang pagpapaunlad ng SME, agrikultura, teknolohiyang impormasyon at komunikasyon, turismo, imprastruktura, transportasyon, at iba pa sa pamamagitan ng iba't ibang mga misyon sa negosyo at pagtitipon, at mga kasunduan.
“At the height of our effort lies the deep people-to-people relationship that forms the bedrock of our ties,” saad ni Mangio.
Kinilala rin ni Mangio ang epekto ng pagtaas ng bilang ng mga turistang Tsino na bumibisita sa Pilipinas.
“By increasing Chinese tourists to the Philippines, we are not merely boosting our economy, but fostering deeper cultural exchange and mutual appreciation that bridges our communications and enriches our shared experiences,” dagdag ni Mangio.
Matatandaang bago ang pandemiya ng COVID-19, ang Tsina ang ikalawang pinakamalaking pinagmulan ng mga turistang dayunan ng Pilipinas. Noong 2019, mahigit 1.74 na milyong turistang Tsina ang naglakbay sa Pilipinas, at ito ay katumbas ng 21.10% ng kabuuang 8.26 na milyon.
Mga palabas sa forum
Ulat/Larawan: Mark Fetalco
Patnugot sa teksto at website: Jade