Isang liham na pambati ang ipinadala ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Alumni Association ng Huangpu Military Academy, sa okasyon ng sentenaryo ng akademiya at ika-40 anibersaryo ng alumni association.
Anang liham, ang Huangpu (Whampoa) Military Academy ay bunga ng kauna-unahang kooperasyon sa pagitan ng Chinese Kuomintang (KMT) at Partido Komunista ng Tsina (CPC), at unang akademiya ng pagsasanay ng mga opisyal na militar para sa rebolusyong Tsino.
Hinimok ni Xi ang alumni association na patuloy na palaganapin ang makabayan at rebolusyonaryong tradisyon ng Huangpu Military Academy, buong tatag na tutulan ang separatismong naghahangad ng “pagsasarili ng Taiwan,” pasulungin ang pambansang reunipikasyon, at pagtipon-tipunin ang katalinuhan at lakas para sa pagsasakatuparan ng Chinese dream.
Inihayag din niya ang pag-asang aktibong sasali ang mga alumni at kani-kanilang kamag-anakan sa loob at labas ng bansa sa modernisasyong Tsino, at bibigyang-ambag ang pagtatatag ng isang malakas na bansa at pag-ahon ng Nasyong Tsino.
Matatandaang binuksan ang Huangpu Military Academy sa lunsod Guangzhou, lalawigang Guangdong sa timog Tsina noong Hunyo 16, 1924.
Bilang isang makabayang organisasyon, itinatag ang Alumni Association ng Huangpu Military Academy noong 1984.
Salin: Vera
Pulido: Ramil