Ang katatapos na Ika-3 Sesyong Plenaryo ng Ika-20 Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) ay isa pang milestone sa landas ng reporma at pagbubukas ng bansa.
Ipinalalagay sa sesyong plenaryo na ang Tsina ngayon ay nasa masusing panahon ng komprehensibong pagpapasulong ng pagtatatag ng malakas na bansa at dakilang pag-ahon ng nasyon, sa pamamagitan ng modernisasyong Tsino.
Ipinagdiinan ni Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng CPC at Pangulong Tsino, na ang reporma at pagbubukas ay susi para sa pagpapasiya ng resulta ng modernisasyong Tsino.
Pinagtibay sa sesyong plenaryo ang Resolusyon ng Komite Sentral ng CPC hinggil sa “Ibayo Pang Komprehensibong Pagpapalalim ng Reporma upang Pasulungin ang Modernisasyong Tsino,” kung saan gumagawa ito ng sistematiko’t estratehikong plano at konkretong hakbangin sa pagpapalalim ng reporma’t pagbubukas.
Komprehensibo ang mga larangan ng reporma na binanggit sa nasabing resolusyon, at kabilang dito ay pagtatatag ng mataas na lebel na sosyalistang market economy; pagkumpleto ng mga institusyon at mekanismo ng pagpapasulong sa de-kalidad na pag-unlad ng kabuhayan; pagbuo ng mga institusyon at mekanismong suportado sa all-around innovation; pagpapabuti ng sistema ng macroeconomic governance; pagkumpleto ng mga institusyon at mekanismo ng integradong pag-unlad ng lunsod at nayon; pagpapabuti ng mga institusyon at mekanismo ng mataas na lebel na pagbubukas sa labas; pagkumpleto ng sistema ng Buong-prosesong Demokrasyang Bayan; pagpapabuti ng rule of law na may katangiang Tsino; pagpapalalim ng reporma sa mga institusyon at mekanismong kultural; pagkumpleto ng sistema ng paggarantiya at pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan; pagpapalalim ng reporma sa sistema ng sibilisasyong ekolohikal; pagpapasulong sa modernisasyon ng sistema at kakayahan ng pambansang katiwasayan; tuluy-tuloy na pagpapalalim ng reporma sa depensa at mga hukbo; pagpapataas ng lebel ng pamumuno ng naghaharing partido sa ibayo pang komprehensibong pagpapalalim ng reporma at pagpapasulong sa modernisasyong Tsino, at iba pa.
Anang resolusyon, ang pagbubukas sa labas ay magtatampok ng modernisasyong Tsino.
Iniharap din ng nasabing resolusyon na batay sa bentahe ng Tsina sa napakalaking merkado, patataasin ang kakayahan sa pagbubukas sa proseso ng pagpapalawak ng pandaigdigang kooperasyon; itatatag ang makabagong sistema ng bukas na ekonomiya sa mas mataas na antas; matatag na palalawakin ang institusyonal na pagbubukas; palalalimin ang repormang estruktural ng kalakalang panlabas; palalalimin ang reporma sa sistema ng pangangasiwa sa inward at outward investment; pabubutihin ang pagpaplano ng rehiyonal na pagbubukas; at kukumpletuhin ang mekanismo ng de-kalidad na kooperasyon sa ilalim ng Belt and Road.
Sa pamamagitan ng masusing hakbangin ng reporma at pagbubukas, tuluy-tuloy na pinapatingkad ng CPC ang makabagong lakas-panulak sa modernisasyong Tsino.
Salin: Vera
Pulido: Ramil