Ang 2024 Paris Olympic Games ay ginaganap sa Pransya mula Hulyo 26 hanggang Agosto 11. Nilalahukan ito ng 206 National Olympic Committees at Refugee Olympic Team na kabilang dito ang Tsina’t Pilipinas.
Ang engrandeng Olimpiyadang ito ay umaakit ng pansin ng mga tao sa buong mundo.
Samu’t saring produktong nagtatampok sa 2024 Paris Olympic Games ay mabentang-mabenta sa Tsina at nakakatanggap ng kagustuhan mula sa mga mamamayang Tsino, dahil ang magagandang disenyo ng mga ito ay may pinagsasamang hitsura ng maskot na Phryge ng 2024 Paris Olympic Games at mga elemento ng kulturang Tsino.
Sa eksklusibong panayam ng China Media Group – Filipino Service (CMG-FS) kay Liu Ruizhe, tagapagdisenyo ng licensed merchandise ng 2024 Paris Olympic Games, ibinahagi niyang sa ilalim ng mahigpit na pagsusuri at pag-apruba ng International Olympic Committee (IOC) at Chinese Olympic Committee (COC), ginugol nila ang halos kalahating taon sa pagdedebelop at pagdidisenyo ng mahigit 150 uri ng produktong tampok sa 2024 Paris Olympic Games.
Marami sa mga produktong ito ay hindi lamang idinisenyo gamit ang elemento ng Pransya at Paris Olympic Games, kundi rin pinagsasama-sama ang mga elemento ng kulturang Tsino.
Halimbawa, makikita sa isang refrigerator magnet ang disenyo ng auspicious clouds, na sumisimbolo ng suwerte sa kulturang Tsino, paliwanag ni Liu.
Ibig sabihin, pinili nila ang ilang pangunahing elemento ng Paris at nabuo ang hugis ng auspicious clouds. Tapos, sa pamamagitan ng pagkakabit ng maskot na Phryge na nagwawagayway ng bandila ng 2024 Paris Olympic Games, ginawa nila itong double-layered refrigerator magnet.
Sa ganitong paraan, habang ibinabahagi sa mga tao ang masayang atmospera ng 2024 Paris Olympic Games, ipinapakita rin nila ang tradisyunal na kulturang Tsino, dagdag niya.
Sa iba’t-ibang uri ng produkto, isa sa mga pinakapopular ay ang Phryge blind box. Ito rin ang obra na pinaka-ipinagmamalaki ng tagapagdisenyo na si G. Liu.
Aniya, ngayon, sa merkado ng Tsina, ang blind box ay isa sa mga pinakapopular at paboritong paninda na kinagigiliwan ng mga konsyumer, lalo na ng mga kabataan.
Kaya pinili nila ang limang hitsura ng Phryge batay sa opisyal na guiding document ng 2024 Paris Olympic Games, para idisenyo ang limang magkakaibang style ng Phryge blind box.
Ang mga ito aniya ay apat na normal style na kinabibilangan ng “Epiphany,” “Pigeon,” “Sailor,” at “Sports Fan,” at isang “one in eighty” na special edition na “Mona Lisa.”
Sa produktong ito, binigyan nila si Phryge ng isang pangalan sa wikang Tsino na may katulad na pagbigkas sa wikang Ingles at Pranses. Tinatawag itong “Fu Ji,” na literal na nangangahulugang kaligayahan at suwerte sa wikang Tsino.
Bukod pa riyan, ngayong taon ay ang ika-60 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Pransya.
Saad ni Liu, isa rin itong napakagandang pagkakataon para sa kanila na mas pasulungin pa ang pagpapalitang kultural ng Tsina’t Pransya, at mas mapalaganap ang kultura ng dalawang bansa at kultura ng Olimpiyada sa buong mundo sa pamamagitan ng mga licensed merchandise.
Ulat/ Video: Kulas
Pulido: Ramil/ Jade
10 sariling-debelop na teknolohiya para sa Olimpiyada sa Paris, inilabas ng CMG
Delegasyong Tsino sa Ika-33 Palarong Olimpiyada, dumating na sa Paris
Delegasyong Tsino sa 2024 Olimpiyada ng Paris, abala sa paghahanda
"Handa na kami" - Presidente ng Komiteng Tagapag-organisa ng Paris Olympics
Tsina at Pransya, itataguyod ang pagtigil-putukan sa buong mundo sa panahon ng Paris 2024 Olympics
Pagbubukas ng Paris Olympics, dadaluhan ng pangalawang pangulong Tsino