Kooperasyon ng AUKUS sa submarinong nuklear, nakakapinsala sa sigasig na panatiling mapayapa at ligtas ang rehiyon – MOFA

2024-08-15 16:23:50  CMG
Share with:

Sinabi Miyerkules, Agosto 14, 2024 ni Tagapagsalita Lin Jian ng Ministring Panlabas ng Tsina (MOFA) na ang kooperasyon ng AUKUS sa submarinong nuklear ay nakakapinsala sa sigasig para sa pagpapanatiling mapayapa at ligtas ang rehiyon.

 

Dagdag niya, hindi dapat pasulungin ng Amerika, Britanya at Australya ang kanilang kooperasyon sa submarinong nuklear, hanggang magkaisa ng palagay ang komunidad ng daigdig tungkol sa kung paanong gaganapin ang mekanismo ng pagmomonitor ng International Atomic Energy Agency sa kooperasyong ito, at iba pang mga isyu.

 

Ayon sa ulat, nilagdaan kamakailan ng Australya, kasama ng Amerika at Britanya ang kasunduan sa submarinong nuklear kung saan nagbibigay-pahintulot sa pagpapalitan ng tatlong bansa ng materyales at impormasyong nuklear.

 

Kaugnay nito, sinabi ni Lin na binuo ng nasabing tatlong bansa ang AUKUS upang pasulungin ang kooperasyon sa submarinong nuklear at ibang sulong na teknolohiyang militar.

 

Pinasigla aniya ng kanilang mga kilos ang karera ng armas, pinahina ang pandaigdigang sistema ng nuclear non-proliferation, pinukaw ang bloc politics at komprontasyong militar, at sinira ang kapayapaan at katatagang panrehiyon.

 

Paulit-ulit na inihayag ng Tsina at kaukulang bansa ang seryosong pagkabahala at mariing pagtutol dito, dagdag niya.

 

Saad ni Lin, kailangang patuloy na pasulungin ng komunidad ng daigdig ang intergovernmental na proseso, at resolbahin ang pagkabahala ng daigdig sa mga isyung legal at teknikal na may kinalaman sa kooperasyon ng AUKUS, sa pamamagitan ng International Atomic Energy Agency, Treaty on the Non-Proliferation of Nuclear Weapons, at iba pang mga plataporma.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil