Ayon sa pahayag ng Ministri ng Komersyo ng Tsina (MOC), isinagawa, ng Tsina at Unyong Europeo (EU), Setyembre 19, 2024 sa Brussels, Belgium ang komprehensibo, malalim at kontruktibong konsultasyon, kaugnay ng anti-subsidy investigation ng EU laban sa mga de-kuryenteng sasakyan ng Tsina.
Anang pahayag, matapos magtagpo nina Wang Wentao, Ministro ng Komersyo ng Tsina, at Valdis Dombrovskis, Pangalawang Tagapangulong Ehekutibo at Komisyoner ng Kalakalan ng European Commission (EC), kapuwa nila inihayag ang mithiing pulitikal sa pagresolba sa mga alitan sa pamamagitan ng konsultasyon.
Sumang-ayon ang dalawang opisyal, na patuloy na pasulungin ang mga negosasyon sa pangako ng presyo, at masikap na abutin ang isang solusyong matatanggap ng magkabilang panig, sa pamamagitan ng mapagkaibigang konsultasyon, dagdag ng MOC.
Anito pa, hinimok ng panig Tsino ang EU na ipatupad ang mahahalagang komong palagay na narating ng mga lider ng Tsina, Pransya at EU hinggil sa maayos na paghawak sa mga alitang pangkabuhaya’t pangkalakalan sa pamamagitan ng diyalogo’t konsultasyon, at isagawa ang proaktibong mga aksyon upang hindi humantong ang isyu sa pakikipagmatigasan sa Tsina.
Nagpalitan din ng kuru-kuro ang kapuwa panig sa iba pang mga isyung pangkabuhaya’t pangkalakalan.
Salin: Vera
Pulido: Rhio