Sa pakikipagtagpo, Oktubre 16, 2024, ni Premyer Li Qiang ng Tsina kina Punong Ministro Mikhail Mishustin ng Rusya at Punong Ministro Luvsannamsrai Oyun Erdene ng Mongolia, inihayag ng opisyal Tsino, na sa ilalim ng estratehikong patnubay ng mga puno ng estado ng tatlong bansa, nananatiling matatag ang trilateral na kooperasyon ng Tsina, Rusya at Mongolia.
Ito aniya ay akma sa komong hangarin ng tatlong panig at ayon sa tunguhin ng pag-unlad ng panahon.
Nakahanda aniyang makipagtulungan ang Tsina sa Rusya at Mongolia upang higit pang mapahusay ang tiwala sa isa't-isa, mapalakas ang koordinasyon, at maitaguyod ang mas malalim at mas praktikal na trilateral na kooperasyon tungo sa mas malaking pakinabang ng mga Tsino, Ruso at Mongoliano.
Sinabi naman nina Mishustin at Oyun Erdene, na handang makipagtulungan sa Tsina ang kanilang mga bansa upang palakasin ang sinerhiya sa pagitan ng Eurasian Economic Union (EEU), "Steppe Road" Development Strategy at “Belt and Road” Initiative; pabilisin ang konstruksyon ng Economic Corridor ng Tsina, Mongolia at Rusya; palakasin ang kooperasyon sa transportasyon, enerhiya, pagpapalitang tao-sa-tao at iba pang larangan; at itaguyod ang mas maraming bunga ng trilateral na kooperasyon.
Salin: Lei Bidan
Pulido: Rhio