Idinaos nitong Miyerkules, Oktubre 16, 2024 ang Interactive Dialogue sa United Nations (UN) High Commissioner for Human Rights sa Ika-3 Komite ng UN General Assembly.
Sa kanyang talumpati sa nasabing diyalogo, ipinahayag ni Dai Bing, Pangalawang Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa UN ang pagtutol ng bansa sa pagtahi at pagkalat ng kasinungalingan at panunulsol ng komprontasyon ng mga kinatawan mula sa Estados Unidos at Britanya tungkol sa karapatang pantao ng Tsina. Aniya, mahigpit na tinututulan ito ng panig Tsino.
Diin ni Dai, nananangan ang Tsina sa landas ng pagpapasulong ng mga karapatang pantao kung saan sentro ang mga mamamayan. Ang landas na ito ay angkop sa pambansang kalagayan ng Tsina at sumasabay rin ito sa tunguhin ng panahon. Bunga nito, nagkaroon ang Tsina ng makasaysayang progreso sa pagpapasulong ng karapatang pantao.
Nakahanda aniya ang Tsina na patuloy na makipagtulungan sa lahat ng mga bansa at Office of the High Commissioner for Human Rights (OHCHR) sa larangan ng karapatang pantao, batay sa pagkakapantay-pantay at paggagalangan.
Umaasa rin ang Tsina na matutupad ng OHCHR ang tungkulin nito, sa pamamaraang obdyektibo at makatwiran at magsasagawa ng konstruktibong diyalogo at kooperasyon sa lahat ng mga bansa, dagdag pa ng kinatawang Tsino.
Diin ni Dai, ang di-umano’y ulat tungkol sa Xinjiang ng Tsina ay resulta ng purong pulitikal na pamumuwersa ng Amerika at Britanya laban sa OHCHR. Tinanggihan na ang ulat na ito ng nasabing opisina at ilegal at wala itong bisa.
Saad pa niya, ang kalagayan ng karapatang pantao sa Amerika at ilang bansang Kanluranin ay karapat-dapat bigyang-pansin ng komunidad ng daigdig. Halimbawa, ang Amerika ay nagbubulag-bulagan sa pagpatay ng mahigit 40,000 sibilyan sa Gaza at higit pa rito, nagpapadala pa ito ng munisyon para pasidhiin ang sitwasyon. Ang Britanya naman ang nagsagawa ng samu’t saring krimen sa buong mundo sa daan-daang taon nitong kolonisasyon, at humantong ito sa karamihan ng mga digmaan at alitan na tulad ng sa Palestina at Israel, Sudan, Myanmar at iba pa. Hanggang sa ngayon, ginagatungan pa rin nito ang naturang mga tunggalian.
Buong tatag na nananawagan ani Dai ang Tsina sa OHCHR na seryosong pakinggan ang tinig ng komunidad ng daigdig para sa katarungan at imbestigahan ang paglabag sa karapatang pantao ng Amerika, Britanya at iilang iba pang mga bansang Kanluranin.
Salin: Jade
Pulido: Ram
CMG Komentaryo: “Digmaan ng Amerika sa karapatang pantao,” binatikos ng komunidad ng daigdig
Mahigit 100 bansa, muling naglabas ng suporta sa Tsina sa usapin ng karapatang pantao – MOFA
Mahigit 100 bansa, suportado ang Tsina sa Konseho sa Karapatang Pantao ng UN
Paninindigan sa Diyalogo ng Tsina at EU sa Karapatang Pantao, ipinagdiinan ng Tsina
CMG Komentaryo: Umano’y “Amerikanong karapatang pantao,” pribilehiyo at hegemonya lamang