Nag-usap sa telepono kahapon, Oktubre 21, 2024 sina Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina, at Takeo Akiba, Pangkalahatang Kalihim ng National Security Secretariat ng Hapon at Puno ng panig Hapones sa China-Japan high-level political dialogue.
Idiniin ni Wang na nananatiling sustenable at matatag ang patakaran ng Tsina sa Hapon at nakahandang patuloy na pasulungin ang matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Hapones batay sa prinsipyo at direksyong itinakda ng 4 na dokumentong pulitikal ng dalawang bansa.
Umaasa si Wang na igagalang ng Hapon ang nukleong interes ng Tsina, susundin ang prinsipyong isang-Tsina at gagamitin ng bagong gabinete ng Hapon ang bagong atityud at aksyon para isakatuparan ang bagong pagsisimula ng relasyong Sino-Hapones.
Ipinahayag naman ni Akiba na palagian at buong sikap na pinasusulong ng Hapon ang komprehensibong pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa at kasama ng Tsina, nakahanda ang kanyang bansa na pangalagaan ang kasalukuyang tunguhin ng pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa at ipakita ang mas maraming positibong senyal.
Sumang-ayon din sila na patuloy na gamitin ang mekanismo ng China-Japan high-level political dialogue at panatilihin ang regular na pag-uugnayan.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil