Sa pangkagipitang pulong ng United Nations Security Council (UNSC) hinggil sa kalagayan ng Gitnang Silangan Lunes, Oktubre 28, 2024, inihayag ni Fu Cong, Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa UN na kaugnay ng pag-atake na inilunsad ng Israel sa Iran nitong Oktubre 26, kinokondena ng panig Tsino ang anumang aksyong lumalapastangan sa soberanya at kabuuan ng teritoryo ng Iran, at tinututulan ang aksyong nagsasapanganib at nakakasira sa kapayapaan at seguridad ng rehiyon.
Nanawagan siya sa iba’t ibang panig na magtimpi, at bumalik sa tumpak na landas ng pagresolba sa mga alitan sa paraang pulitikal at diplomatiko.
Tinukoy ni Fu na ang di-maaaring pagsasakatuparan ng tigil-putukan sa Gaza Strip ay saligang sanhi ng tuluy-tuloy na paglala ng maigting na kalagayan sa rehiyon ng Gitnang Silangan.
Nanawagan ang panig Tsino sa mga bansang may mahalagang impluwensiya sa Israel na suportahan ang pagsasagawa ng UNSC ng ibayo pang mabisang aksyon kaugnay ng kasalukuyang kalagayan, pasulungin ang agarang pagtigil-putukan sa Gaza Strip, pahupain kaagad ang kalagayan sa pagitan ng Lebanon at Israel, at totohanang pigilan ang pagkalat ng sagupaan, dagdag ni Fu.
Salin: Vera
Pulido: Ramil