Idinaos Setyembre 24 hanggang 28, 2024 sa lunsod Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi, dakong timog ng Tsina, ang Ika-21 China-ASEAN Expo (CAEXPO) at China-ASEAN Business and Investment Summit (CABIS).
Kalahok dito ang delegasyong Pilipino na kinabibilangan ng mga opisyal mula sa iba’t-ibang departmento at mga negosyante ng 15 kompanyang tampok sa iba’t-ibang larangan.
Sa eksklusibong panayam ng China Media Group – Filipino Service (CMG-FS) kay CJ Ivanne Dichoso, Trade Industry Development Specialist ng Center for International Trade Expositions and Missions (CITEM) ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya ng Pilipinas (DTI), ibinahagi niyang ang CITEM ay matagal nang sumasali sa CAEXPO sapul nang una itong idaos.
Aniya, sa CAEXPO ngayong taon, pinagsama-sama ng CITEM ang 15 kompanyang Pilipinong nasa sektor ng pagkain at sektor ng di-pagkain.
Ipinagmamalaki ng mga kumpanyang nasa sektor ng pagkain ang kanilang banana chips, sariwang durian, sariwang saging, alak, at iba pa.
Dagdag nito, inihahandog din ng mga kumpanyang nasa sektor ng di-pagkain ang iba’t-ibang produkto gaya ng mga aksesorya, bag at produktong hinabi ng kamay mula sa Cordillera Administration Region (CAR) ng Pilipinas.
Saad nito, nilalayon ng CITEM na tulungan ang naturang mga kompanya na makapasok sa merkadong Tsino, tuklasin ang mga pagkakataon, at ipakilala ang kani-kanilang mga produkto sa merkadong Tsino.
Ang merkadong Tsino aniya ay nakakatulong sa mga kompanyang Pilipino na mahanap ang mga namumuhunan, makuha ng malaking benta, at mapataas ang mga kita nito, dahil mayroon itong malaking populasyon.
Saad pa ni CJ, nais ng CITEM na dalhin ang mas maraming Pilipinong MSME sa ganitong mga ekspo, dahil naniniwala silang ang mga produktong Pilipino ay karapat-dapat na kilalanin hindi lamang sa merkadong Tsino, kundi pati na rin sa buong pandaigdigang merkado.
Inaasahan ng CITEM na maipapatuad ang naturang layunin balang araw, dagdag nito.
Ayon sa DTI, umabot sa $US 49 na milyong dolyares ang negotiated sales ng delegasyong Pilipino sa Ika-21 CAEXPO ngayong taon, na pinakamalaki sa kasaysayan ng pagsali ng Pilipinas sa ekspong ito. Noong 2023, ang benta ng delegasyong Pilipino sa CAEXPO ay $US 10.19 na milyong dolyares.
Ayon naman sa pinakahuling datos na inilabas ng Ministri ng Komersyo ng Tsina sa Oktubre, 2024, mula noong 2009, 15 taong singkad na nananatili ang Tsina bilang pinakamalaking trade partner ng ASEAN.
Ulat/Video: Kulas
Pulido: Ramil/ Jade
Espesyal na pasasalamat: DTI-CITEM, PTIC-Guangzhou, PTIC-Beijing, delegasyong Pilipino sa Ika-21 CAEXPO