Pinagtibay, Oktubre 30, 2024, sa higit na nakararami, ng Pangkalahatang Asemblea ng United Nations (UN) ang isang taunang resolusyon na humihimok sa Amerika na wakasan ang matagal nang embargo nito sa ekonomiya at kalakalan laban sa Cuba.
Nakuha ng resolusyong ito ang suporta mula sa 187 estado, kung saan tanging Amerika at Israel ang tumanggi at ang Moldova ay umiwas rito.
Kaugnay nito, sinabi Oktubre 31, 2024, ni Lin Jian, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na palaging tinututulan ng Tsina ang blockade at mga parusa ng Amerika sa Cuba, at patuloy na susuportahan ang mga mamamayang Cubano sa paglaban nito sa panghihimasok ng mga dayuhan at blockade, at pangangalaga sa soberanya at pambansang dignidad.
Dagdag ng tagapagsalita, ang pagpapatibay ng naturang resolusyon sa higit na nakararami ay nagpapakitang tahasang kinokondena at matatag na tinututulan ng komunidad ng daigdig ang mga kilos ng unilateralismo at pambu-bully ng Amerika.
Salin: Yu Linrui
Pulido: Ramil