Direksyong historikal ng prinsipyong isang-Tsina, di-mahahadlangan - MOFA

2024-11-04 17:06:02  CMG
Share with:

Bilang tugon sa pananalita ng sirkulong pulitikal ng Palau, inihayag Lunes, Nobyembre 4, 2024 ni Tagapagsalita Mao Ning ng Ministring Panlabas ng Tsina, na kasalukuyang may diplomatikong ugnayan sa Tsina ang 183 bansa sa daigdig, at ito ay batay sa prinsipyong isang-Tsina.

 

Iilang bansa lang aniya na kinabibilangan ng Palau ang may di-umano’y “relasyong diplomatiko” sa rehiyong Taiwan.

 

Hindi lamang ito salungat sa kapakanan ng sariling bansa’t mga mamamayan, taliwas sa resolusyon bilang 2758 ng Pangkalahatang Asembleya ng United Nations (UNGA), kundi nakakapinsala rin sa soberanya ng Tsina, kaya dapat itong iwasto, saad niya.

 

Binigyang-diin din ni Mao, na hinding-hindi mahahadlangan ang direksyong historikal ng pagsusulong sa prinsipyong isang-Tsina.

 

Hinihimok aniya ng panig Tsino ang nasabing iilang bansa na gawin ang tumpak na desisyong angkop sa sariling pundamental at pangmalayuang kapakanan.

 

Batay sa prinsipyong isang-Tsina, nakahanda ang panig Tsino na buksan ang bagong kabanata ng relasyon sa mga kaukulang panig, dagdag ni Mao.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio / Frank