Idinaos Nobyembre 5 hanggang 10, 2024, sa National Exhibition and Convention Center (NECC), lunsod Shanghai, gawing silangan ng Tsina ang Ika-7 China International Import Expo (CIIE).
Lumahok dito ang delegasyong Pilipino na binubuo ng mga opisyal mula sa iba’t-ibang kagawaran, at mga negosyante mula sa 16 na kompanya ng pagkain.
Sa eksklusibong panayam ng China Media Group – Filipino Service (CMG-FS) kay Dinno M. Oblena, Konsul Heneral ng Pilipinas sa Shanghai, sinabi niyang nagagalak ang Pilipinas sa muling pagsali nito sa CIIE ngayong taon.
Sa magkasamang pagtataguyod ng Konsulado Heneral ng Pilipinas sa Shanghai, at mga katuwang mula sa Kagawaran ng Kalakalan at Industriya (DTI) at Kagawaran ng Agrikultura (DA), taun-taon aniyang sumasali ang Pilipinas sa ekspong ito, sapul nang magsimula noong 2018.
Layon ng paglahok na magpokus sa mga priyoridad na sektor at industriya na nakikita naming magbibigay ng benepisyo sa kapuwa Pilipinas at Tsina, sabi pa ni Oblena.
Ang CIIE aniya ay isang mahalagang plataporma ng kalakalan at primera-klaseng ekspo, at ang lunsod Shanghai ay mainam at estratehikong pagpili bilang pinagdarausan nito.
Saad ni Oblena, ang Metro Manila at Shanghai ay magkapatid na lunsod, at may komplementaridad sa ekonomiya at pagiging mahalagang pusod ng dalawang bansa.
Bunga nito, mabuti aniya ang kooperasyong pangkalakalan’t kabuhayan ng dalawang lunsod.
Ang Metro Manila ay destinasyon para sa maraming mamumuhunang Tsino, samantalang ang Shanghai naman ay pangunahing puntahan ng mga produkto ng Pilipinas, at isang bintanang nagkakaloob ng pagkakataon sa mga de-kalidad na produkto ng Pilipinas upang mas mapalaganap sa Tsina.
Kinagigiliwan ng maraming mamimiling Tsino ang mga produktong Pilipino, paliwanag ni Oblena.
Sa kasalukuyan, marami na aniyang kompanyang Pilipino ang nagtayo ng mga opisina sa Shanghai, tulad ng Liwayway Group, SM China, Metro Bank Group, Robinsons Land, Philippine Airlines, Cebu Pacific, Dai-ichi, Potato Corner, Jollibee Foods, Integrated Micro-Electronics, at iba pa.
Sa tingin ni Oblena, positibo ang tunguhin ng relasyong pang-ekonomiya ng Pilipinas at Tsina.
Inaasahan aniya ng panig Pilipino na lalawak pa ang kooperasyon sa Tsina sa mas maraming sektor, at masasamantala ang pagkakataon ng pag-unlad ng value chain ng mga industriya’t produkto ng Pilipinas.
Video/ Ulat: Kulas
Pulido: Rhio/ Jade
Espesyal na pasasalamat: Dinno M. Oblena, Philippine Consulate General in Shanghai, DTI-CITEM, DA, PTIC-Shanghai, PTIC-Beijing, PTIC-Guangzhou, PTIC-HongKong, delegasyong Pilipino sa Ika-7 CIIE