|
||||||||
|
||
sw20150501.m4a
|
Ngayong gabi, muli tayong sasakay sa subway ng Beijing at mamamasyal sa pali-paligid ng San Yuan Qiao(三元桥), ito ay isang istasyon sa Line 10. At ito rin ay transfer station ng subway at Airport Express Line. Kung pupunta ka sa airport, maaari kang sumakay sa subway line 10 at lumabas sa San Yuan Qiao station. Doon, puwede kang bumili ng ticket para sa airport line. Ang ticket ay 25 yuan RMB. At ang biyahe mula San Yuan Qiao hanggang airport ay mga 20 hanggang 30 minuto, depende sa iyong terminal.
Ang ticket booth ng Airport Express Line
Dapat alam mo rin kung saang terminal ka pupunta. Puwede mo itong i-check sa internet. May tatlong istasyon ang airport line, Terminal 1, Terminal 2 at Terminal 3. Ang Terminal 1 at Terminal 2 ay malapit lamang sa isat-isa, kaya, kung ikaw ay nasa T1, lumabas lang sa istasyon, at makakarating kana sa T2. Ang biyahe naman ng train mula sa T2 hanggang T3 ay tatagal ng 15 minuto.
Para sa mga turistang nasa airport ng Beijing, napakaginhawa kung magbu-book ng isang hotel sa paligid ng San Yuan Qiao. Isang sakay lang mula sa airport line at makakarating na sa istasyon ng San Yuan Qiao. Kung gusto mong mag-book sa economy hotel, nandyan ang Novotel Hotel at Ibis Hotel. Malapit ang mga ito sa isa't isa, lumabas lang sa Exit D ng istasyon ng San Yuan Qiao, patunong kanluran, at maglakad ng 50 hanggang 100 metro, makikita nyo na ang mga ito. Ang presyo ng mga kuwarto sa Novotel Hotel ay mula 400 hanggang 500 yuan RMB. Kung mas mura ang hanap n'yo, Ibis Hotel ang dapat ninyong puntahan. Nasa 400 yuan RMB lamang ang presyo ng kuwarto. Mayroon ding isang 3 star hotel na malapit dito: ang Hua Shang(华商)Hotel, na nasa paligid ng Exit C2. Ang kuwarto rito ay nagkakahalaga lamang ng 200 hanggang 300 yuan RMB.
Kung kayo naman ay medyo sosy, at gusto n'yo ng mga 5 star hotel, marami rin ang mga ito sa paligid ng San Yuan Qiao: halimbawa, Sheraton Hotel, Westin Hotel, Hilton Hotel, Four Seasons Hotel, Kempinski Hotel at iba pa. Ang mga ito ay may kalayuan sa subway kaya, kailangang sumakay ng taxi. Mga 15 hanggang 30 yuan RMB ang pamasahe, depende sa kondisyon ng trapiko.
Tanong: bakit ang lugar na ito ay tinawag na "San Yuan Qiao?" Sa Wikang Tsino, ang "San" ay "tatlo," at ang "Qiao" ay tulay. Ang "San Yuan Qiao" ay isang overpass na nasa third ring road ng Beijing. Ang overpass ay itinayo noong 1984, ito ang pinakapangunahing transportation junction kung saan nag-uugnay ang eastern third ring road at northern third ring road. Noong panahong iyan, ang overpass ng San Yuan Qiao ay isang modelo ng pagtatatag ng overpass sa Tsina, at ginawaran ito ng State Excellent Design Silver Medal ng Tsina.
Sa paligid ng San Yuan Qiao ay makikita ang community na "San Yuan Li." Ang komunidad ay kilala dahil sa isang pamilihan na may parehong pangalan "San Yuan Li Market(三源里菜市场)." Ito raw ang pinakahanep na pamilihan sa Beijing, kung saan maaaring makabili ng halos lahat ng mga pagkain sa buong mundo. Ito ay nasa timog ng Exit C2 ng istasyon ng San Yuan Qiao at malapit sa Liang Ma Qiao, isa pang istasyon ng Line 10.
Malaki ang Sanyuanli Market. Ito ay may saklaw ng 1,560 square meters. Dito, maaaring makabili ng gulay, prutas, sariwang karne, lamang-dagat, pampalasa, mantika, tinapay, tsaa, grocery at iba pa. Ang Sanyuanli Market ay isang pangunahing agriculture market. Maraming lokal na mamamayan at mga laowai ang dito namimili. Sa kabilang dako, dito rin nagmumula ang mga inihahanda sa mga nakapaligid na 5 star hotel, at primera klaseng restawran. Ang mga dignataryong mula sa ibat-ibang embahda ay lagi ring nagpupunta at namimili rito.
Alam po ninyo mga kaibigan, dito sa Tsina, kapag ikaw ay hindi marunong magsalita ng Mandarin at ikaw ay nagpunta sa palengke, medyo mahirap mamili, dahil hindi kayo magkakaintindihan ng mga tindero't tindera. Pero, rito sa Sanyuanli Market makikita ang mga karatula sa Ingles, kaya, mas madali ang inyong shopping experience. Ang kanilang motto: magbigay ng "high quality," "convenient" "efficient" at "cheap" shopping.
Mayroon din isang happyland para sa mga bata sa paligid ng San Yuan Qiao. Ito ay ang "Bi Ru Shi Jie" o nangangahulugang "IF World." Ito ay isang play city kung saan maaaring maglaro ang mga bata at i-role play ang iba't ibang trabaho, tulad ng doktor, pulis, judge, pilot, firemen, reporter, photographer, airline stewardess, nurse at iba pa. Ito ay nasa Jingshun Road, mga 400 meters ang layo nito mula sa exit C3 ng San Yuan Qiao Subway Station.
Ang Bi Ru Shi Jie ay hindi lamang isang Children's Paradise, kundi isang shopping mall din. Kaya, habang nag-eenjoy ang mga bata sa loob ng "If World," maaaring mag-shopping ang mga magulang. Makikita rito ang mga factory store ng Nike, Adidas, Puma at iba pa. Bukid dito, mayroon din isang malaking super market.
Kapag ikaw naman ay lumabas sa exit C1, makikita mo ang isang bus station, mga 10 metro layo. Ito ang "San Yuan Qiao" Bus Station. Kung ikaw ay sasakay dito, makakapasyal ka sa isang kawili-wiling modern art area: ang "798." Mula rito, sumakay lang sa Bus Number 401 at bumaba sa "Da Shan Zi Lu Kou Nan(大山子路口南)." Limang istasyon ang inyong daraanan, at makakarating na sa "798."
San, nagustuhan n'yo ang ating pasyal sa San Yuan Qiao. Sa susunod na linggo, tutok lang po ulit sa amin para sa isa na namang astig na pasyal sa pamamagitan ng subway. Para sa inyong mga komento at kuru-kuro, mag-email lamang sa filipino_section@yahoo.com, mag-text sa mga numerong 0947-287-1451/0905-474-1635, o mag-iwan lamang ng mensahe sa message board ng SPT
Para naman sa mga ka-FB natin, paki-like ang aming FB page na crifilipinoservice para sa mga update ng aming mga programa. Available na rin po ang aming mga programa sa podcast.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |