Sa Yokohama, Hapon—Idinaos dito kahapon ang pasinaya ng "Izumo", pinakamalaking barko ng maritime self-defense force ng Hapon. Tinukoy ng GlobalSecurity.org ng Amerika na ang tonelahe, pagkakaayos at punsyon ng "Izumo" ay ganap na tumutugon sa mga katangian ng isang light aircraft carrier. Bukod dito, ang pasinaya ng naturang bapor ay idinaos sa araw ng ika-68 anibersaryo ng paglulunsad ng Amerika ng atomic bomb attack sa Hiroshima. Kaya ang pangyayaring ito ay nakatawag ng pansin ng komunidad ng daigdig.
Sa kasaysayan, ang "Izumo" ay pangalan minsan ng isang armored cruiser ng hukbong pandagat ng Hapon na nagsagawa ng mga tungkulin sa panahon ng Russo-Japanese War at digmaang mapanalakay laban sa Tsina. Ipinalalagay ni YuanYang, Dalubhasa ng Academy of Military Science ng People's Liberation Army (PLA) ng Tsina, na ang paggamit ng pangalan ng mga dating bapor ay matagal nang ginagawa ng mga hukbong pandagat ng maraming bansa. Pero, may di-mapapabulaanang katuturang pulitikal ang pagpili ng pangalan ng isang bapor na kalahok minsan sa Russo-Japanese War at digmaang mapanalakay laban sa Tsina, at ang pasinaya sa anibersaryo ng atomic bomb attack sa Hiroshima.
Sa tingin ni Jin Canrong, propesor ng Renmin University ng Tsina, umaasa si Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon na maaantig ang damdamin ng mga mamamayan para kumatig sa militaristikong ambisyon niya sa muling pagpapalawak ng sandata. Aniya, sa kasalukuyan, di-mabuti ang kondisyong pinansiyal ng Amerika, at nabawasan ang military expenditure nito, kaya ang military deployment ng Amerika sa rehiyong Asya-Pasipiko ay dapat umayon sa Hapon, bagay na lumikha ng pagkakataon para sa malaking pagpapaunlad ni Abe ng puwersang militar.
Dahil may kakayahan sa pagkukumpuni ng helikopter sa dagat at pagsusuplay ng gasolina sa ibang bapor ang "Izumo", sinabi ng ilang media na ang paggawa ng light aircraft carrier ay nagpapakita ng tangka ng rehimen ni Abe sa paghahanap ng militarismo.