|
||||||||
|
||
Bapor pandigma ng E.U., naglalayag sa karagatang malapit sa Syria
Ipinahayag kahapon ni Pangulong Barack Obama ng Estados Unidos, na wala pang pinal na desisyon sa pagsasagawa o hindi ng aksyong militar laban sa Syria. Aniya, posibleng isagawa ng E.U. ang limitado at maliit na saklaw na aksyon, ngunit hindi ito magpapadala ng hukbong panlupa sa Syria para sa matagalang digmaan.
Nang araw ring iyon, ipinalabas ng White House ang isang assessment report sa mga kinuhang impormasyon. Anang ulat, nitong isang taong nakalipas, ilang beses na gumamit ang tropang pampamhalahaan ng Syria ng sandatang kemikal, at ang pinakahuling kaso ay paggamit ng sarin gas noong ika-21 ng buwang ito sa karatig na purok ng Damascus.
Sa may kinalamang ulat, hiniling kahapon kay Obama ng 140 mambabatas ng Mababang Kapulungan ng E.U., na kunin ang awtorisasyon ng Kongreso bago iutos ang pagsasagawa ng aksyong militar laban sa Syria. Anila, kung hindi, lalabag sa Konstitusyon si Obama. Ipinalabas naman ng National Broadcasting Company ng E.U. ang resulta ng pinakahuling public opinion poll, na nagsasabing halos kalahati ng mga kinapanayam na mamamayang Amerikano ay tutol sa pagsasagawa ng aksyong militar laban sa Syria.
Samantala, ipinahayag naman ng ilang kaalyado ng E.U. na kinabibilangan ng Britanya at North Atlantic Treaty Organization na walang kahandaang magsagawa ng aksyong militar laban sa Syria. Bineto kamakalawa ng Mababang Kapulungan ng Britanya ang plano ng pamahalaan hinggil sa aksyong militar. Sinabi naman kahapon ni Anders Fogh Rasmussen, Pangkalahatang Kalihim ng NATO, na hindi lalahok ang organisasyong ito sa aksyong militar laban sa Syria.
Salin: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |