Ipininid ngayong araw sa Nanning, Tsina, ang ika-10 China-ASEAN Expo o CAExpo. Ang pangunahing tema ng kasalukuyang ekspo ay pag-unlad ng kooperasyong panrehiyon—bagong pagkakataon, bagong lakas-panulak, at bagong yugto. Ipinalalagay ng mga dalubhasa ng Tsina at ASEAN na sa ilalim ng kalagayan ng matumal na pagbangon ng kabuhayang pandaigdig, ang pagpapalakas ng rehiyonal na kooperasyon ng Tsina at ASEAN ay makakapagpataas ng impluwensiya ng kapuwa panig.
Ipinalalagay ni Wang Yuzhu, dalubhasa ng Chinese Academy of Social Sciences, na sa kasalukuyan, matumal ang kabuhayang pandaigdig, lumitaw sa rehiyong Asya-Pasipiko ang talastasan hinggil sa Trans-Pacific Partnership Agreement (TPP) na itinataguyod ng Amerika, at talastasan hinggil sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) na itinataguyod ng ASEAN. Kasabay ng pag-ahon ng Tsina at ASEAN, kailangang ma-upgrade rin ang kanilang estratehikong partnership. Nahaharap pa rin ang kapuwa panig sa mga problemang gaya ng pagbabago ng modelo ng paglaki ng kabuhayan. Aniya, may napakalaking nakatagong pakinabang ang pagpapalakas ng kooperasyon ng Tsina at ASEAN.
Ipinahayag naman ni Richard Javad Heydarian, Propesor ng Ateneo de Manila University ng Pilipinas, na sa darating na dalawa hanggang tatlong taon, ibayo pang lalalim ang pag-uugnayan ng kabuhaya't kalakalang panrehiyon, at pasusulungin ng parami nang paraming pribadong sektor at transnasyonal na kompanya sa rehiyong ito ang pagkakahalu-halo ng iba't ibang ekonomiya sa iba't ibang larangan.
Noong katapusan ng nagdaang taon, pormal na sinimulan ng 10 bansang ASEAN at 6 na bansang kinabibilangan ng Tsina, Australia, India, Hapon, Timog Korea, at New Zealand ang talastasan hinggil sa RCEP, sa gayo'y nasimulan na ang konstruksyon ng malayang sonang pangkalakalan na sumasaklaw sa 16 na bansa. Sa seremonya ng pagbubukas ng kasalukuyang CAExpo, ipinahayag ni Le Luong Minh, Pangkalahatang Kalihim ng ASEAN, na dapat aktibong makisangkot ang Tsina at ASEAN sa proseso ng naturang talastasan, para mahanap ang komprehensibo, de-kalidad, at may mutuwal na kapakinabangang kasunduan sa kooperasyong pangkabuhayan sa balangkas ng RCEP. Magdudulot ito ng napakaraming pagkakataong komersiyal para sa Malayang Sonang Pangkalakalan ng Tsina at ASEAN (CAFTA).