Sa pag-uusap kahapon sa Washington D.C. nila Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina at Kalihim John Kerry ng Estado ng Estados Unidos, tinukoy ng una na ang pagtatatag ng bagong relasyon ng malalaking bansang Tsina at Amerika ay estratehikong pagpili na ginawa batay sa tunguhin ng pag-unlad ng kalagayang pandaigdig, pang-estado, at relasyon ng dalawang bansa. Umiiral aniya ang napakalaking espasyo at potensyal ng pag-unlad. Aniya, nagpalitan ang dalawang panig ng kuru-kuro hinggil sa pagpapanatili ng pag-uugnayan sa mataas na antas ng dalawang bansa, maayos na paghawak sa mga sensitibong isyu, at pagpapasulong ng kooperasyong mutuwal na kapakinabangan sa iba't-ibang larangan.
Kaugnay ng isyu ng Syria, binigyang-diin ni Wang na tinututulan ng panig Tsino ang paggamit ng anumang bansa at sinuman ng sandatang kemikal. Winiwelkam ng panig Tsino ang pagkakaroon ng Amerika at Rusya ng balangkas ng kasunduan hinggil sa isyu ng sandatang kemikal ng Syria, dagdag pa niya.
Salin: Li Feng