Sa kanyang pakikipag-usap kagabi kay Sultan Hassanal Bolkiah ng Brunei at mga miyembro ng maharlikang pamilya, lubos na pinahalagahan ni Premyer Li Keqiang ng Tsina ang importanteng papel ng maharlikang pamilya ng Brunei sa pagpapasulong ng relasyon ng dalawang bansa. Sinabi ng Premyer Tsino, na umaasa siyang ibayo pang palalalimin ng kanyang pagdalaw ang mapagkaibigang estratehikong kooperasyon ng Tsina at Brunei.
Dumalo rin ang Premyer Tsino sa bangketeng panalubong na inihandog ni Sultan Hassanal. Dito, sinabi ni Li na positibo siya sa pagsisikap ng Brunei, bilang tagapangulong bansa ng ASEAN, sa pagpapasulong ng relasyong Sino-ASEAN. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng Brunei, para pasulungin ang katatagan, kaunlaran, at kasaganaan ng dalawang bansa at rehiyong ito.
Sinabi naman ni Hassanal na hindi lamang nakikinabang ang mga mamamayan ng dalawang bansa sa kaunlaran ng Tsina, kundi, nakakatulong din ito sa pag-unlad ng rehiyon. Nakahanda aniya ang Brunei na magsikap, kasama ng Tsina, para kapuwa pasulungin pa ang relasyong Sino-Brunei at Sino-ASEAN.