Sa Hanoi, Vietnam, sa pakikipag-usap dito kahapon sa kanyang Vietnames counterpart na si Nguyen Tan Dung, sinabi ni dumadalaw na Premyer Li Keqiang ng Tsina, na ang malusog na pagpapaunlad ng relasyong Sino-Biyetnames ay hindi lamang angkop sa komong interes ng dalawang bansa, kundi makakatulong din sa kapayapaan at kasaganaan ng rehiyon.
Sinabi ni Li na umaasa siyang malulutas ng Tsina at Vietnam ang isyu ng South China Sea, na tanging di-malutas-lutas na problema sa kasaysayan ng dalawang bansa. Aniya, ilang pagkakasundo ang narating na ngayon ng dalawang panig sa nasabing usapin, kabilang dito ang pagbuo ng tatlong working group bilang tugon sa mga suliraning pandagat, panlupa, at pinansyal, at sisimulan ng mga ito ang mga katugong gawain sa katapusan ng kasalukuyang taon. Positibong signal ang mga ito at nagpapakita na gustong lutasin ng dalawang panig ang alitan, sa pamamagitan ng kooperasyon, lalo na ang pagbuo ng grupo para talakayin ang hinggil sa magkasamang paggagalugad sa karagatan, dagdag pa niya.
Ipinahayag naman ni Nguyen Tan Dung na sumasang-ayon siya sa mungkahi ni Premyer Li tungkol sa ibayo pang pagpapasulong ng relasyong Sino-Biyetnames. Sinabi niya na nakahanda ang Vietnam na magsikap, kasama ng Tsina, para pasulungin ang mapagkaibigang pagtutulungan ng dalawang panig sa ibat-ibang larangan, kabilang dito ang lalo pang pagpapahigpit ng palitan sa mataas na antas; pagpapalakas ng pagtitiwalaang pampulitika; pagpapasulong ng pragmatikong kooperasyon sa karagatan, lupa at pinansya; pagpapahigpit ng koordinasyon sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig; at maayos na paglutas ng pagkakaiba ng palagay. Dagdag pa niya, positibo rin siya sa "2+7" puntong balangkas ng kooperasyon sa pagitan ng Tsina at ASEAN.
Dumalo rin sila sa seremonya ng paglalagda sa mga may kinalamang dokumentong pangkooperasyon ng dalawang bansa.