Ipinahayag kahapon ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na kinakailangan ng daigdig ang magkasamang pag-unlad ng Tsina't Indiya.
Sa kaniyang pakikipagtagpo sa dumadalaw na punong ministro ng Indiya na si Manmohan Singh, ipinagdiinan ni Pangulong Xi na bilang isa sa mga pinakamahalagang bilateral na relasyon, makakaapekto ang relasyong Sino-Indiyano sa direksyon ng pag-unlad ng Asya, maging sa buong mundo.
Upang mapasulong ang estratehikong partnership na pangkooperasyon ng Tsina't Indiya sa bagong antas, iniharap ni Pangulong Xi ang apat na mungkahi: una, pahigpitin ang estratehikong pagtitiwalaan ng dalawang bansa; ikalawa, palalimin ang kanilang pragmatikong pagtutulungan batay sa kani-kanilang pangangailangan sa pambansang kaunlaran; ikatlo, tumpak na hawakan ang pagkakaiba sa isyung panghanggahan, isyu sa ilog na panghanggahan at pasulungin ang pagtutulungang pandepensa at pagtutulungan laban sa terorismo; ikaapat, palawakin ang pagdidiyalogo para magkasamang mapasigla ang sibilisasyong silanganin.
Ipinahayag naman ni Singh na ang pagpapaunlad ng relasyon ng Tsina at Indiya ay isa sa mga priyoridad ng mga patakarang diplomatiko ng Indiya. Ipinahayag niyang ang pagtutulungan ng dalawang bansa ay magsisilbing di-maaaring mawawalang puwersa para sa kapayapaan at kaunlaran ng daigdig.
Salin: Jade