Sa kanyang pakikipag-usap dito sa Beijing kahapon kay Henry Paulson, dumadalaw na dating Treasury Secretary ng Amerika, sinabi ni Premyer Li Keqiang ng Tsina na ang pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano ay isang prosesong nagpapasulong sa kanilang pragmatikong kooperasyon sa iba't ibang larangan. Umaasa aniya siyang makapagsisikap ang dalawang panig para magkasamang mapangalagaan ang naturang relasyon, batay sa maayos na pamamahala at pagkontrol sa mga pagkakaiba at alitan. Sinabi ni Li na maisasakatuparan ng Tsina ang sustenableng pag-unlad sa pamamagitan ng pagpapalalim ng reporma at pagbubukas sa labas. Umaasa aniya siyang ibayo pang magagalugad ng Tsina at Amerika ang potensyal, at totohanang mapapasulong ang talastasan hinggil sa Bilateral Investment Treaty para mabigyan ng garantiyang pansistema ang pagpapasulong ng kooperasyon nila sa kabuhayan, kalakalan at pamumuhunan; malilikha ng Amerika ang mas mainam at pantay-pantay na kapaligiran ng pamumuhunan sa mga bahay-kalakal Tsino at mababawasan ang limitasyon sa pagluluwas ng high-tech products sa Tsina; mapapahigpit ang koordinasyon sa patakaran ng makro-ekonomiya, maisasagawa ang responsableng domestic economic policy at makikisangkot sa regional economic integration batay sa diwa ng pagbubukas, transparency, at pagiging inklusibo.
Sinabi naman ni Paulson na nagtatagumpay ang pamahalaang Tsina sa pagpapasulong ng reporma at pagbubukas sa labas, pagbabago sa tungkulin ng pamahalaan, pagsasagawa ng inobasyon sa siyensiya at teknolohiya, pagtitipid sa paggamit ng enerhiya, at pangangalaga sa kapaligirang ekolohikal. Aniya, nakahandang magsikap ang Amerika, kasama ng Tsina, para mapasulong ang pagtutulungan ng dalawang bansa sa iba't ibang larangan.