|
||||||||
|
||
Kagawaran ng Paggawa at ILO, nagtutulungan
LIMANG milyong manggagawang Pilipino ang apektado ng pinsalang dulot ni "Yolanda" noong nakalipas na linggo.
Ito ang pagtataya ng International Labor Organization. Ani Lawrence Jeff Johnson, country director ng ILO sa Pilipinas, ang bilang na ito ay kahalintulad ng populasyon ng Norway. Hindi lamang mahalaga ang bilang sapagkat sa likod ng bilang na ito ay naroroon ang mga taong nabubuhay at mabubuhay ng walang katiyakan.
Malaki ang posibilidad na makakalahok sila sa reconstruction at magkakaroon ng emergency employment upang malinis ang mga lansangan at maibalik ang mga pasilidad at pagawaing-bayan. Kailangang kumita ng mga taong nawalan ng pagkakakitaan, dagdag pa ni G. Johnson.
Halos kalahati ng mga apektadong manggagawa ay nasa tinaguriang vulnerable employment na walang anumang social protection at tatanggap na lamang ng kahit anong hanapbuhay kumita lamang.
Ang Pilipinas ang ikatlong bansang namimiligro sa mga trahedya sa buong daigdig. Ang emergency employment programs ay naipatupad na sa ilang bahagi ng bansa. Kahit anong trabaho ay maibibigay basta't ito ay ligtas at makataong hanapbuhay tulad ng minimum wages, mga gamit na pananggalang, social protection at social insurance.
Anim na koponan ang ipinadala ng ILO sa Tacloban City, Roxas City, Busuanga, Palawan, Northern Cebu, Negros Occidental at Bohol na bumabawi pa lamang mula sa malakas na lindol.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |