Ipinahayag kahapon ni Qin Gang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na sinarhan mismo ni Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon ang pinto ng pakikipagdiyalogo niya sa mga lider Tsino.
Winika ito ng tagapagsalitang Tsino sa pagsagot sa mga tanong kung papayag ang Tsina sa pagdalaw ni Abe sa Tsina at kung makikipagdiyalogo ang mga lider na Tsino sa kanya pagkaraang bumisita kamakailan si Abe sa Yasukuni Shrine kung saan nakadambana ang 14 na class-A criminals noong World War II (WWII).
Ipinahayag ni Qin na ang nasabing aksyon ni Abe ay nagpapakitang mapagbalatkayo si Abe sa kanyang pangako ng pagpapahalaga sa relasyong Sino-Hapones at sa kanyang pag-asang makipag-usap sa mga lider na Tsino.
Ipinagdiinan ni Qin na mahalaga ang relasyong Sino-Hapones. Aniya pa, nitong ilang araw na nakalipas, maraming makatwirang mamamayan, media at tauhan ng Hapon ang nagpahayag ng kanilang pagpuna at pagbatikos sa maling pananalita at aksyon ni Abe. Nakahanda aniya ang Tsina na protektahan, kasama ng nasabing mga tauhan ng Hapon, ang katarungang pangkasaysayan at pangkalahatang kalagayan ng relasyong Sino-Hapones batay sa apat na dokumentong pulitikal ng Tsina't Hapon.
Salin: Jade