Nakipag-usap sa telepuno kahapon si Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay Tony Abbott, Punong Ministro ng Australia para ibayo pang mapalakas ang pagkokoordinahan at pagsasanggunian sa paghahanap ng nawawalang flight MH370 ng Malaysia Airlines.
Sa pag-uusap, ipinaalam ni Abbott kay Pangulong Xi ang tungkol sa pinakahuling kalagayan ng paghahanap ng Australia sa nawawalang eroplano. Nagpahayag naman si Xi ng pasasalamat sa Australia. Ipinahayag din niya ang kahandaang panatilihin ang mahigpit na pakikipagkoordina at pakikipagtulungan ng panig Tsino sa panig Australian.
Ayon pa sa naisapublikong larawan ng satellite ng Australia kahapon, nakita sa South Indian Ocean ang pinaghihinalaang debris mula sa nasabing eroplano. Batay dito, agarang isinaayos ng mga may-kinalamang bansa ang direksyon ng paghahanap, at isinagawa ang paghahanap.
Nang araw ring iyon, ipinadala ng Australia ang 4 na eroplano papuntang kinauukulang karagatan para sa paghahanap.
Isiniwalat din ni Hishammuddin Tun Hussein, Ministro ng Tanggulang Pambansa at nanunuparang Ministro ng Komunikasyon ng Malaysia, na hanggang sa kasalukuyan, 18 bapor, 29 na eroplano, at 6 na helikopter ang nagsasagawa ng paghahanap.
Salin: Li Feng