Ipinahayag kahapon sa Seoul, kabisera ng Timog Korea, ng dumadalaw na si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na ang kooperasyon ng Tsina at Timog Korea sa kabuhayan at kalakalan ay magkakaloob ng mas malaking espasyo para sa mga mangangalakal ng dalawang bansa. Umaasa aniya siyang masasamantala ng mga mangangalakal ng Tsina at Timog Korea ang naturang pagkakataon para ibayo pang mapalalim ang kooperasyon ng dalawang bansa sa kabuhayan at kalakalan.
Magkasamang dumalo kahapon sina Xi at Pangulong Park Geun-hye ng Timog Korea sa porum ng kooperasyon ng dalawang bansa sa kabuhayan at kalakalan. Sa porum na ito, sinabi rin ni Xi na ang mga mangangalakal ng Tsina at Timog Korea ay pangunahing puwersa sa pagpapasulong ng kooperasyon at bilateral na relasyon ng dalawang bansa.
Sinabi naman ni Park na mahalaga ang partnership ng dalawang bansa sa kalakalan at pamumuhunan. Umaasa aniya siyang maitatatag ang malayang sonang pangkalakalan ng dalawang bansa sa lalong madaling panahon para ibayo pang mapataas ang antas ng kooperasyon ng dalawang bansa.
Dagdag pa ni Park, kinakatigan ng pamahalaan ng Timog Korea ang pamumuhunan ng bahay-kalakal ng kanyang bansa sa Tsina. Samantala, mainit ding tinatanggap ng kanyang bansa ang pamumuhunan ng mga bahay-kalakal ng Tsina.
Salin: Ernest