Nagtagpo kamakalawa sa Brasilia sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina, Pangulong Dilma Rousseff ng Brazil at Pangulong Ollanta Humala ng Peru. Nagpalitan sila ng kuru-kuro hinggil sa pagpapalawak ng konstruksyon ng imprastruktura ng transportasyon ng Timog Amerika, at pagpapasulong ng pag-uugnayan ng pamilihan ng Timog Amerika at Asya. Binigyang-diin ng mga pangulo ang kahandaang magkakasamang hanapin ang nakatagong lakas, para maisakatuparan ang pagtatatag ng Peru-Brazil transcontinental railway.
Para rito, tinagubilinan ng tatlong lider ang mga kinauukulang departamento ng kani-kanilang pamahalaan na isagawa ang pundamental na pananaliksik sa posibilidad ng pagtatatag ng transkontinental na daambakal sa pagitan ng Brazil at Peru.
Tinalakay rin nila ang mga kinauukulang gawain na kinabibilangan ng paglilinaw ng paraan, yaman at taning ng kanilang kooperasyon, at pagkakaloob ng ginhawa sa pagpapadala ng grupong tagapagsarbey.
Salin: Vera