Sinabi dito sa Beijing ngayong araw ni Shen Danyang, Tagapagsalita ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, na sapul nang magkakasunod na sumiklab ang epidemiya ng Ebola sa ilang bansa sa Kanlurang Aprika noong unang dako ng kasalukuyang taon, magkahiwalay na nagkaloob ang Tsina ng tatlong pangkat ng pangkagipitang makataong saklolo na nagkakahalaga ng 234 milyong yuan RMB sa mga apektadong bansa noong Abril, Agosto at Setyembre.
Winika ito ni Shen sa regular na news briefing ng naturang ministri nang araw ring iyon. Aniya, ang nabanggit na saklolo ay kinabibilangan ng materyal ng pagpigil, pagkontrol at paggagamot ng sakit, pagkaing-butil, pondo, pagpapadala ng dalubhasang medikal, pagkakaloob ng laboratoryong biolohikal at iba pa.
Isinalaysay pa ni Shen na sa kasalukuyan, natupad ang unang dalawang round ng pagbibigay-saklolo ng panig Tsino, at ipinapatupad ang ika-3 round ng pagbibigay-saklolo.
Salin: Vera