Iniharap kamakailan ng Hilagang Korea ang mungkahing kung ititigil ng Amerika at Timog Korea ang magkasanib na pagsasanay-militar sa taong ito, pansamantalang ititigil ng Hilagang Korea ang pagsubok na nuklear. Kaugnay nito, tinanggihan kahapon ni Tagapagsalita Jen Psaki ng Kagawaran ng Estado ng Estados Unidos ang naturang mungkahi. Aniya, di-angkop ang aksyon ng Hilagang Korea na iniugnay ang nasabing regular na pagsasanay-militar sa pagsubok na nuklear. Ipinalalagay niyang ito ang "pahiwatig na pananakot."
Sinabi ni Psaki na kung isasagawa ng Hilagang Korea ang bagong round ng pagsubok na nuklear, "malinaw na lalabag" ito sa maraming resolusyon ng United Nations Security Council. Dagdag pa niya, nananatiling bukas pa rin ang pinto ng pakikipagdiyalogo ng panig Amerikano sa Hilagang Korea, pero dapat agarang itigil ng Hilagang Korea ang lahat ng mga pananakot, pahupain ang maigting na atmospera, at isagawa ang hakbangin ng pagtatakwil ng pagsubok na nuklear na kinakailangan ng pagsisimulang muli ng mapagkakatiwalaang talastasan.
Salin: Vera