NANAWAGAN si Chief Supt. Generoso Cerbo sa mga mamamayan na maging maingat sa social media upang makaiwas sa mga masasamang loob na nag-aabang lamang ng tamang pagkakataon.
Ito ang kanyang panawagan sa madla sa paggunita ng Semana Santa at sa kanilang pagbabakasyon sa iba't ibang bahagi ng bansa. Mahalaga ang "secrecy discipline," dagdag pa ni Chief Supt. Cerbo.
Huwag umanong ibabandera kung sino ang mga kasama at kung saan magtutungo at kung saan pansamantalang maninirahan. Ang social media umano ang pinamumugaran ng masasamang loob na nag-aabang ng maaaring mabiktima.
Hindi naman masamang magbigay ng mga larawan at impormasyon sa katayuan ng isang social media enthusiast subalit makabubuting maging maingat ang madla, dagdag pa ni Csupt. Cerbo.