HINILING ni Cagayan de Oro Congressman Rufus B. Rodriguez sa House Special Committee on Peace, Reconciliation and Unity na pag-aralan ang posibilidad na pakikipag-usap na muli ng pamahalaan sa National Democratic Front.
Napapaloob sa House Resolution 1927, hiniling ni Congressman Rodriguez na may mga balitang lumalabas na may posibilidad na mag-usap na muli ang magkabilang-panig.
Idinagdag pa ng mambabatas kahit pa si Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Quintos-Deles ang nagsabing handang maupong muli ang magkabilang panig upang makawakasan na ang higit sa apat na dekadang pakikibaka ng mga komunista, wala pang pormal na pag-uusap na nagaganap.
Umabot na sa 27 taon ang pag-uusap naa wakasan ang pakikidigma ng New People's Army laban sa pamahalaan na ikinasawi na rin ng may 40,000 katao. Nakatakdang anyayahan ang mga opisyal ng OPAPP, NDFP at Armed Forces of the Philippines at iba pang mga ahensya sa gagawing pagdinig.