|
||||||||
|
||
SINABI ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio "Sonny" Coloma na "sympathetic" si Pangulong Joko Widodo ng Indonesia sa kalagayan ni Mary Jane Veloso na nahaharap sa parusang kamatayan.
Ayon kay Kalihim Coloma, naganap ito matapos umapela si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III kay Pangulong Widodo.
Kahit pa tila malabong mapigil ang pagpapataw ng parusang kamatayan, lumalabas na desidiso ang pangulo ng Indonesia na ituloy ang pagpapataw ng parusa bilang paraan ng pagsugpo sa sinasabing pambansang krisis na dulot ng bawal na gamot.
Si Veloso, isang 30-taong gulang na ina ng dalawang batang lalaki ay nahaharap sa firing squad sa darating na Martes ng hapon.
Kabilang siya sa walong banyagang nahaharap sa parusang kamatayan sa Indonesia. Personal na nakiusap si Pangulong Aquino kay Pangulong Widodo sa sidelines ng ASEAN Summit meeting sa Malaysia.
Ayon sa mga balitang nagmula sa Kuala Lumpur, nakiusap si Pangulong Aquino na magkaroon ng humanitarian consideration para kay Mary Jane Veloso na nagoyong magdala ng bawal na gamot.
Idinagdaga pa ni Kalihim Coloma na sinabi ni Pangulong Aquino na may simpatiya si Pangulong Widodo at kinakausap na ang Indonesian Attorney General hinggil sa mga isyung legal.
Nangako umano si G. Widodo na pag-uusapan nilang muli ni Pangulong Aquino sa kanilang pagdalaw sa resort island na Langkawi.
Nadakip si Veloso noong 2009 na mayroong 2.6 kilos o 5.7 libras ng heroina na nakatahi sa kanyang maleta. Nagtungo umano si Veloso sa Indonesia upang magtrabaho bilang katulong at nagoyo ng isang international drug syndicate.
Sa kanyang paglisan sa Maynila, ipinangako ni Pangulong Aquino na kakausapin niya si Pangulong Widodo hinggil sa usapin ni Mary Jane Veloso.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |