HUMILING ang mga opisyal ng Philippine Red Cross sa mga Filipino na tumulong sa pinakanapinsalang sektor ng mga mamamayan sa Nepal na niyanig ng lindol na may lakas na 7.9 Magnitude noong Sabado. Higit na sa 2,500 katao ang nasawi samantalang higit sa 5,000 ang nasugatan.
Nanawagan si PRC Chairman Richard J. Gordon sa lahat ng mga Filipino, maging ang nasa iba't ibang bansa na magpadala ng salapi sa pamamagitan ng Philippine Red Cross sapagkat nanawagan na rin ang Nepal Red Cross sa buong daigdig na tulungan sila sa pamamagitan ng International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies.
Ipinaliwanag ni Chairman Gordon na napapanahon namang tumulong ang mga Filipino tulad ng tulungan ng mundo ang Pilipinas matapos hagupitin ni "Yolanda" o "Haiyan" noong Nobyembre ng 2013.
Magpapadala ang Philippine Red Cross ng water and sanitation teams at nakatakda ring magpadala ng rescue at Emergency Field Hospital sa madaling panahon.
Naghihintay na lamang ang mga dalubhasa ng Philippine Red Cross ng senyal mula sa International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies.
Sa mga Filipino sa ibang bansa, maaari silang pagpadala sa http://ushare.redcross.org.ph