Sa isang news briefing na idinaos kahapon ng Pambansang Tanggapan ng Impormasyon ng Tsina, isinalaysay ni Qian Keming, Pangalawang Ministro ng Komersyo ng Tsina, na pagkaraang maganap ang napakalakas na lindol sa Nepal, ini-organisa at isinagawa ng Ministri ng Komersyo, Ministring Panlabas, Ministri ng Pinansya, Kawanihan ng Abiyasyong Sibil, at iba pang departamento, ang dalawang beses na pagbibigay ng pangkagipitang makataong tulong sa Nepal. Ang mga ito aniya ay nagkakahalaga ng 60 milyong Yuan RMB, at 546 na toneladang relief supplies.
Ayon kay Qian, ang agarang pagbibigay ng makataong tulong sa ibang bansa, habang nagaganap ang malaking kalamidad, ay palagiang isa sa mga pangunahing nilalaman ng pagbibigay-tulong ng Tsina sa ibang bansa. Aniya, sapul nang itatag ang mekanismo ng makataong tulong noong 2004, halos 200 beses nang nagamit ng Pamahalaang Tsino ang mekanismong ito. Mula noong 2014 hanggang sa ngayon, nagkaloob ang Tsina ng halos 1.3 bilyong Yuan RMB na makataong tulong sa halos 40 bansa sa Asya, Aprika, at Oceania, dagdag pa niya.
Salin: Li Feng